OLONGAPO CITY– Nakiugnayan sa lokal na komunidad ang mga kinatawan ng “Flavors of Freedom 250” campaign sa isinagawang culinary exchange program noong Agosto 13, 2026 sa Driftwood Beach Resort sa Barangay Barretto, Olongapo City.

Bahagi ang aktibidad ng Arts and Music Envoy Program ng U.S. Department of State Bureau of Educational and Cultural Affairs, na naglalayong isulong ang cultural exchange at community engagement sa pamamagitan ng pagkain at culinary arts.

Layunin ng naturang programa na palakasin ang ugnayan ng mga lokal na sektor at mga dayuhang culinary professionals sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kaalaman, karanasan at kasanayan.

Sa pamamagitan nito, nabibigyan ng pagkakataon ang mga lokal na mangingisda na matuto ng mga bagong pamamaraan sa food preparation at value-adding na maaaring makatulong sa pagpapalawak ng kanilang mga produktong-dagat at kabuhayan.

Sa kanilang pagbisita, nakipagpalitan ng kaalaman ang mga U.S. Culinary Envoys sa mga lokal na mangingisda hinggil sa paggawa at pagproseso ng mga produktong-dagat. Tinalakay rin ang mga pamamaraan sa pagdagdag ng halaga sa mga huli upang maging iba’t ibang seafood products.

Ibinahagi naman nina Chef Edith Johnson at Sous Chef Jeren Schmidt ang kanilang mga kaalaman at pamamaraan sa pagluluto na maaaring magsilbing alternatibong ideya para sa mga produktong-dagat ng lokal na komunidad.

Pinangunahan ang aktibidad ni George Mesthos, U.S. Embassy in the Philippines Deputy Director for Public Engagement, kasama ang dalawang U.S. Culinary Envoys.

Dumalo rin sina Olongapo City Tourism Office Head Josefina “Fifi” Legaspi, Olongapo City Agriculture Head Francis Maniago, at FishRight Chief of Party Nygiel Armada.  (Istorya at mga larawan ni MITCH C.SANTOS para sa Ang Pahayagan)

Leave a comment

Trending