OLONGAPO CITY– Isang 84-anyos na babae ang nasawi matapos masunog ang isang residential house sa No. 10 Bonifacio Extension, Barangay Pag-asa, Olongapo City nitong Miyerkules ng gabi, Agosto 12, 2026.

Iniulat ang sunog dakong alas-7:49 ng gabi at itinaas sa 1st Alarm kung saan agad na rumesponde ang BFP Olongapo City Fire Station na nakarating sa lugar.

Isang bahay na tinitirhan ng tatlong pamilya ang iniulat na naapektuhan ng sunog, na may kabuuang 11 indibidwal naresidente.

Ayon sa incident report, isa ang nasawi na kinilalang si Claudia Bautista, 84, na ayon sa paunang impormasyon ay hindi nakalabas ng bahay.

Tumulong sa operasyon ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at Kalaklan Rescue. Itinatag ang Incident Command Post sa Bonifacio Street, Barangay Pag-asa.

Samantala, patuloy pang isinasagawa ang beripikasyon sa kabuuang bilang at pagkakakilanlan ng mga residenteng naapektuhan, gayundin ang pagtatasa sa lawak ng pinsala at halaga ng mga nasunog na ari-arian. Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog. (Ulat ni MITCH C. SANTOS para sa Ang Pahayagan)

Leave a comment

Trending