SUBIC, Zambales — Muling iginiit ng mga mangingisda sa Zambales ang kanilang pagtutol sa planong pagtatayo ng pabrika ng mga bala at amunisyon ng Estados Unidos sa Subic Bay, kasabay ng nalalapit na ASEAN Summit at pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas.
Sa isinagawang konsultasyon nitong linggo, nakikiisa ang mga lokal na samahan ng mangingisda sa panawagang “Trump Out” ng mga progresibong organisasyon.
Ayon sa mga mangingisda, lalo lamang patitibayin ng pagbisita ni Trump ang mga hindi pantay na kasunduang militar at pang-ekonomiya ng Pilipinas at Estados Unidos na anila’y hindi nagsusulong sa kapakanan ng mga maralitang sektor, partikular ng mga mangingisda.
Sinabi ni Roselyn Regalado, pangulo ng Cabangaan 3 Fishermen’s Unity Association na kaanib ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), na hindi kailangan ng bansa ang mga pamumuhunan at kasunduan ng US na aniya’y maglalantad sa likas na yaman at teritoryo ng Pilipinas sa pagsasamantala ng mga dayuhan.
Partikular na tinutulan ni Regalado ang planong pagtatayo ng pabrika ng amunisyon sa Subic Bay, na aniya’y maituturing na pagbabalik ng presensiyang militar ng US sa lugar matapos itong mapaalis noong 1991.
Iginiit naman ng PAMALAKAYA na hindi katanggap-tanggap ang pakikialam militar ng Estados Unidos sa kabila ng mga tensiyon sa West Philippine Sea dahil maaari lamang nitong palalain ang sitwasyon sa halip na makatulong sa pagpapahupa ng sigalot.
Nanawagan ang grupo sa publiko na tutulan ang planong pasilidad ng US para sa paggawa ng mga amunisyong gagamitin sa tinatawag nitong forward-staged ammunition operations sa rehiyong Indo-Pacific.
Samantala, nagsagawa rin ng pagkilos ang mga kasapi ng PAMALAKAYA-Timog Katagalugan at Haligi ng Batanguenong Anakdagat (HABAGAT) sa Balayan Bay at Nasugbu Bay sa Batangas.
Nagpalutang ang mga ito ng balsa na may mga panawagang tutulan ang Luzon Economic Corridor (LEC) at Pax Silica, gayundin ang mga kasunduang pang-ekonomiya at militar sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ayon sa mga mangingisda, nagdudulot ng banta sa likas na yaman at soberanya ng bansa ang mga naturang kasunduan at proyektong may partisipasyon ang US. (Ang Pahayagan Reportorial Team)




Leave a Reply