SAN NARCISO, Zambales — Dalawang pawikan ang nasagip at matagumpay na naibalik sa dagat matapos matagpuan sa Barangay La Paz, San Narciso, Zambales, sa gitna ng pananalasa ng bagyong Maymay at habagat.

Ang unang pawikan, isang juvenile hawksbill turtle, ay nasagip noong Agosto 7 bandang alas-2 ng hapon ni Alfredo Allejos ng Purok 1-A matapos itong itulak ng malalaking alon patungo sa pampang.

May sukat itong 13 sentimetro ang haba at 15 sentimetro ang lapad ng carapace o matigas na bahagi ng katawan ng pawikan. Matapos masuri at makumpirmang nasa mabuting kondisyon, pinalaya ito ng mga Pawikan Ranger sa pamumuno ni Patrick D. Fabileña noong Agosto 8 bandang alas-10 ng umaga malapit sa Sto. Tomas River.

Samantala, isang Olive Ridley turtle ang natagpuan ni Charina Arguiles noong Agosto 10 bandang alas-2 ng hapon sa tapat ng Fish Landing sa Purok 1-B ng Barangay La Paz.

Nakapalupot sa front flippers nito ang lumang lambat na nagdulot ng malalim na sugat sa kanang flipper nito. Mayroon din itong tapyas sa carapace.

Dinala ang pawikan sa PawiCare Conservation Site at agad na nakipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) para sa kaukulang pangangalaga at paggamot.

Sinuri rin ni Marc Lengwa ng CENRO ang kondisyon ng pawikan. May sukat itong 45 sentimetro ang haba at 50 sentimetro ang lapad ng carapace.

Binigyan ito ng identification tag na PH 1070A para sa monitoring bago tuluyang gumaling at mapakawalan noong Agosto 11. Pinangunahan ang pagpapalaya ni Mayor La-Rainne Abad Sarmiento, kasama ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, mga opisyal ng Barangay La Paz, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG) San Narciso Substation.

Nagpasalamat ang mga awtoridad sa komunidad ng La Paz, Pawikan Rangers at iba pang tumugon sa pagsagip sa mga pawikan.

Hinimok din ang publiko na huwag mag-iwan ng mga lumang lambat at huwag magtapon ng basura sa karagatan upang maiwasang malagay sa panganib ang mga pawikan at iba pang yamang-dagat. (Ulat ni Jun Dumaguing para sa Ang Pahayagan)

📸LGU San Narciso MENRO

Leave a comment

Trending