NEW CLARK CITY, Pampanga — Dumalo si Zambales Gov. Hermogenes Ebdane Jr., bilang chairperson ng Regional Development Council (RDC) III, sa pagpupulong kasama ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) upang talakayin ang mga nakatakdang development projects sa Central Luzon, Biyernes, Agosto 7.
Pinangunahan ang pulong ni BCDA President at Chief Executive Officer Engr. Joshua M. Bingcang, kasama si Vice President for Investment Promotions and Marketing Kenneth Peralta.

Kabilang sa mga pangunahing tinalakay ang mga proyektong ipatutupad sa New Clark City at ang kanilang inaasahang ambag sa pag-unlad ng rehiyon.
Binigyang-diin ni Ebdane ang kahalagahan ng matibay na koordinasyon at bukas na komunikasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, at mga komunidad upang matiyak ang maayos na pagpaplano at matagumpay na pagpapatupad ng mga proyekto.
“Ganyan naman palagi ang ating ginagawa, basta’t proyekto ng gobyerno nandiyan kami. Ang kailangan lang ay open discussion. The best thing to do with the problem is to talk about it. Huwag natin itong takbuhan dahil mas mahihirapan tayo,” ani Ebdane.
Tinalakay rin sa pulong ang inaasahang epekto ng mga proyekto sa ekonomiya ng Central Luzon at ng bansa, kabilang ang paglikha ng mas maraming trabaho, pagpapalakas ng kaunlaran, pangangalaga sa kalikasan, at pagsusulong ng kapakanan ng mga komunidad.
Ayon kay Ebdane, mahalagang manatiling pangunahing prayoridad sa bawat proyektong isinusulong ang kapakanan, kaligtasan, at pangmatagalang pakinabang ng mga mamamayan sa Central Luzon.

Dumalo rin sa pagpupulong sina Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Region III Regional Director Nerissa T. Esguerra, Assistant Regional Director Aladin A. Ancheta, Jesito M. Ponio Jr., gayundin sina Zambales Provincial Planning and Development Officer Emmanuel Adaoag at Executive Assistant to the Governor Larraine Rico.
Mga larawan mula sa Zambales Governor’s Office




Leave a comment