TARLAC — Idineklara ng Sangguniang Bayan ng Capas bilang persona non grata ang base commander ng Camp Ernesto Ravina Air Base (CERAB) na si Lt. Col. Owen Avenido, kasunod ng mga umano’y reklamong iniuugnay sa mahigpit na mga restriksyon sa loob ng Crow Valley military reservation na nakaapekto umano sa mga katutubong Aeta, residente, mga opisyales ng lokal na pamahalaan, at maging sa paghahatid ng mahahalagang serbisyo.
Ayon sa resolusyon, kabilang sa mga naging batayan ng deklarasyon ang umano’y pagharang sa pagpasok ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, emergency responders, mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at iba pang tagapaghatid ng serbisyo sa mga komunidad sa loob ng reservation area.
Inilahad rito ang isang pangyayaring noong Hulyo 17, kung saan napilitang idaos umano sa tabing-kalsada ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ng Sta. Juliana High School at partner organization nitong Asurion matapos na hindi payagang makapasok sa military reservation ang mga kinatawan ng nasabing organisasyon.
Ayon sa pamunuan ng paaralan, matagal nang katuwang ng Asurion ang Sta. Juliana High School sa iba’t ibang programang pang-edukasyon tulad ng pamamahagi ng school supplies, feeding program, gift-giving activities, at iba pang proyektong pangkabuhayan. Bagama’t nakapagsumite na umano ng kinakailangang mga dokumento at nakipag-ugnayan nang maaga sa mga awtoridad, hindi pa rin sila pinayagang makapasok sa checkpoint.
Dahil dito, hindi rin natuloy ang ilang pulong para sa koordinasyon ng mga programang nakalaan para sa mga mag-aaral, kabilang ang mga katutubong Aeta at iba pang kabataang nag-aaral sa Sta. Juliana High School.
Nauna na ring iniulat na hindi pinapasok sa checkpoint ang mga tauhan ng DSWD na magsasagawa ng validation para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), dahilan upang ilipat ang proseso sa labas ng military reservation. Iniulat din ng ilang residente ang pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad, kabilang ang mas istriktong paghingi ng identification cards (ID), at ang ipinatutupad curfew.

Iginiit naman ng mga katutubong Aeta at kanilang mga tagasuporta na hindi nagtatapos sa deklarasyong persona non grata ang kanilang panawagan, dapat din anila alisin ang mga restriksyong militar sa kanilang mga komunidad, kilalanin ang kanilang karapatan sa lupang ninuno, at wakasan ang mga polisiyang anila’y nagdulot ng higit na militarisasyon sa lugar.
PAF Ipinagtanggol ang kanilang base commander
Ipinagtanggol naman ng Philippine Air Force (PAF) ang commander ng Colonel Ernesto Ravina Air Base (CERAB) matapos itong ideklarang persona non grata ng Sangguniang Bayan ng Capas, Tarlac,
Ayon kay PAF Spokesperson Col. Ma. Christina Basco, ginagampanan lamang ni Lieutenant Colonel Owen Avenido ang kanyang legal na tungkulin at propesyonal na mandato bilang base commander upang ipatupad ang mga pamantayan sa kaligtasan.
Sinabi rin ng PAF na bukas ito sa konstruktibong dayalogo sa mga lokal na opisyal at sa patas na pagsusuri sa mga alegasyon sa pamamagitan ng umiiral na mga proseso. Gayunman, iginiit ng PAF na ang mga hakbang na isinagawa nang may mabuting hangarin upang mapangalagaan ang ari-arian ng militar ay dapat maunawaan bilang bahagi ng opisyal na tungkulin.
Dagdag pa ni Basco, patuloy na susuportahan ng PAF ang mga tauhang gumaganap ng kanilang mga tungkulin nang propesyonal at alinsunod sa batas, habang nananatiling nakatuon sa maayos na pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan. (Ang Pahayagan Reportorial Team)




Leave a comment