NI: MITCH C.SANTOS
ZAMBALES — Naghain sa Korte Suprema ng Petition for Writ of Kalikasan at Writ of Continuing Mandamus ang kilalang environmental advocate at dating DENR Undersecretary na si Philip G. Camara, kasama ang Institute of Area Management (IAM) at isang menor de edad na kinatawan ng susunod na henerasyon, upang kuwestiyunin ang umano’y kakulangan ng malinaw na pamantayan sa pagpapatupad ng Philippine Mining Act.
Sa petisyon, iginiit ng naghain na hindi malinaw na tinutukoy ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 7942 o Mining Act kung ano ang ibig sabihin ng “rational exploration, development, utilization, and conservation” ng yamang mineral. Ayon sa kanya, nagiging dahilan ito ng mga desisyong pangkapaligiran na hindi sapat na isinasaalang-alang ang epekto sa kalusugan, ekosistema, at mga susunod na henerasyon.
Binigyang-diin sa petisyon ang mga resulta ng dalawang pag-aaral na isinagawa sa Zambales. Kabilang dito ang toxicity study noong 2024 na umano’y nagpakita ng heavy metal contamination at posibleng panganib sa kalusugan ng tao, at isang coastal erosion study noong 2025 na nag-ugnay sa dredging activities sa paglala ng pagguho ng baybayin sa ilang bahagi ng lalawigan.
Iginiit din ng petitioner na dapat maisama sa pagmimina at dredging permits ang mga pamantayang nakabatay sa Natural Capital Accounting, Total Economic Valuation, at iba pang siyentipikong sukatan upang masukat hindi lamang ang kita kundi pati ang mga gastusing pangkapaligiran at panlipunan.
Hinihiling ni Camara sa Korte Suprema na magpalabas ng Temporary Environmental Protection Order (TEPO) upang suspendihin ang extraction at dredging activities sa mga apektadong lugar habang dinidinig ang kaso. Nais din niyang obligahin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Mines and Geosciences Bureau (MGB) na magtakda ng malinaw at nasusukat na pamantayan para sa tinatawag na “rational” mining at dredging operations.
Wala pang pahayag ang DENR at MGB kaugnay ng naturang petisyon habang sinusulat ang artikulong ito.


Leave a comment