Ang Pahayagan

SAMMBAT, NANANAWAGAN HINGGIL SA ISYU NG KANILANG LUPANG SINASAKA AT RED-TAGGING SA KANILANG SAMAHAN

MASINLOC, Zambales —Patuloy ang pakikipaglaban ng Samahang Magsasaka at Mangingisda ng Barangay Taltal (SAMMBAT) para sa kanilang karapatan sa humigit-kumulang 32- ektaryang lupang sakahan sa Sitio Togue, Barangay Taltal, Masinloc, kasabay ng panawagan din nilang labanan ang umano’y red-tagging sa kanilang grupo na anila’y paglabag sa kanilang karapatang pantao.

Ang SAMMBAT ay binubuo ng mga magsasaka at mangingisda mula sa mga bayan ng Botolan, Masinloc, Candelaria, at Santa Cruz sa Zambales na ayon kanila ay matagal na nilang hangad mapasakanila ang naturang lupain dahilan sa matagal na nila itong sinasaka.

Nagsimula ang kanilang laban dahil sa Exemption Order na inilabas noong Hulyo 23, 1992, na nagtanggal umano sa lupain mula sa saklaw ng agrarian reform program.

Nagpetisyon ang samahan sa Department of Agrarian Reform (DAR) na mapawalang-bisa ang kautusan, subalit hanggang ngayon ay wala pa umanong pinal na desisyon hinggil dito. Sa kabila ng nakabinbing petisyon, sinabi ng SAMMBAT na may isinagawa nang demolisyon at pagpapaalis sa kanila noong Hunyo 19, 2025.

Naninindigan ang grupo na hindi pa dapat isinagawa ang naturang hakbang habang hindi pa nareresolba ang kanilang apela sa DAR.

Kaugnay rito, inalmahan din ng mga miyembro ang umano’y pag-uugnay sa kanila sa mga rebeldeng grupo.

“Walang katotohanan ang mga alegasyong sa akin at ang pag-uugnay sa aming grupo sa New People’s Army (NPA),” ayon kay Neil Edward Geroca, tagapagsalita ng SAMMBAT,

Ayon pa kay Geroca, ang kanilang mga pagtitipon at pagkilos ay nakatuon lamang sa mapayapang pagsusulong ng kanilang karapatan sa lupa at hindi para sa anumang layuning maghasik ng kaguluhan.

Kasabay nito, kinuwestiyon din ng samahan ang umano’y pagbabawal sa kanila ng isang barangay opisyal na magsagawa ng mga pagpupulong sa lugar. Giit nila, ang kanilang mga aktibidad ay bahagi ng kanilang karapatang magpahayag at mag-organisa bilang mamamayan.

Iginigiit ng SAMMBAT ang isang Cease and Desist Order (CDO) na inilabas kamakailan ng DAR Region III bilang patunay sa kanilang posisyon.

Ayon sa samahan, nakasaad umano rito sa kautusan na itigil ang mga  iligal na earth-moving at land conversion activities sa nasabing lupain. Pinangalanan umano sa kautosan ang ilang indibidwal at isang construction firm na sangkot sa mga gawaing ito.

Sa kanilang panawagan, hiniling ng SAMMBAT sa mga kinauukulang ahensya at opisyal na tiyakin ang patas na proseso sa pagresolba ng sigalot sa lupa. Umaasa rin sila na mabibigyan ng pinal na desisyon ang kanilang petisyon sa DAR at mapapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas.

Habang nananatiling nakabinbin ang kaso, patuloy na nananawagan ang grupo para sa diyalogo, katarungan, at mapayapang resolusyon sa matagal nang usapin ng lupa. (Ulat ni Mitch C. Santos para sa Ang Pahayagan)

Leave a comment