Ang Pahayagan

118 REEFER CONTAINERS SA SUBIC BAY, POSIBLENG HEALTH AT ENVIRONMENTAL HAZARD DAHIL SA NABUBULOK NA KARGAMENTO

NI: MITCH C. SANTOS

SUBIC BAY FREEPORT– Naglabas ng liham ang Subic Bay International Terminals (SBIT) para humingi ng agarang aksyon mula sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), Bureau of Customs (BOC)-Port of Subic, at Department of Agriculture (DA) kaugnay ng 118 overstaying reefer containers na matagal nang nakaimbak sa kanilang terminal sa Subic Bay Freeport Zone.

Batay sa liham na may petsang Mayo 12, 2026, lumagpas na umano sa 300 araw ang pananatili ng mga reefer containers sa loob ng terminal
na ayon sa kumpanya ay nagdudulot na ito ng seryosong panganib sa kalusugan, kalikasan, at operasyon ng pantalan.

Nabatid sa liham na nilagdaan ni Henry Dunca, Management Services and Government Affairs ng SBIT, ilan sa mga container ay naglalabas na ng matinding mabahong amoy dahil sa umano’y nabubulok at naaagnas na kargamento bunsod ng matagal na pagkakaimbak.

Sinabi rin ng pamunuan ng terminal na naapektuhan na hindi lamang ang kanilang mga empleyado kundi maging ang mga kalapit na establisyemento at stakeholders sa lugar.

Dagdag pa rito, nangangailangan umano ng tuloy-tuloy na suplay ng kuryente ang mga reefer containers upang mapanatili ang kondisyon ng mga laman nitong kargamento, dahilan upang tumaas ang operational at fuel costs ng terminal.

Kasabay nito, lumabas din sa isang laboratory analysis mula sa CRL Environmental Corporation ang mataas na lebel ng fecal coliform sa ilang surface water samples sa lugar. Sa resulta ng pagsusuri, umabot sa 35,000 MPN/100mL ang fecal coliform count sa isa sa mga sampling stations, habang may iba pang samples na nagtala ng 9,200 at 2,800 MPN/100mL.

Patuloy namang hinihintay ang tugon ng mga kinauukulang ahensya hinggil sa panawagan ng SBIT para sa agarang pagresolba sa isyu.

Leave a comment