Ang Pahayagan

OPINYON: NASAAN ANG PANGIL NG SBMA PARA SA KALIKASAN AT KALUSUGAN NG PUBLIKO?

Sa gitna ng usapin hinggil sa 118 overstaying reefer containers sa Subic Bay Freeport, isang malaking tanong ang muling lumulutang: May tunay bang kapangyarihan at “pangil” ang SBMA upang ipatupad ang batas at protektahan ang kalikasan at kalusugan ng publiko kahit kapwa ahensya ng gobyerno ang kaharap nito?

Hindi simpleng administrative issue ang problemang ito. Kapag ang mga container ay mahigit 300 araw nang nakaimbak, may nabubulok na kargamento, may matinding mabahong amoy, at may laboratory findings pa ng mataas na fecal coliform sa tubig, malinaw na usapin na ito ng public health at environmental safety.

Sa puntong ito, hindi sapat ang pagpapasa ng liham o paghihintay ng tugon mula sa iba’t ibang ahensya. Ang tanong ng publiko: sino ang tunay na mananagot kapag lumala ang sitwasyon?

Totoong may mandato ang Bureau of Customs pagdating sa imported goods at abandoned cargo. Ngunit hindi ibig sabihin nito na nawawala na ang obligasyon ng SBMA bilang administrador ng Freeport na tiyaking ligtas, maayos, at hindi delikado sa tao at kalikasan ang loob ng economic zone.

Kung may banta na sa kalusugan at kapaligiran, dapat manaig ang public welfare kaysa sa anumang usapin ng kita, proseso, o burukrasya.

Sapul ng isyung ito ang mas malalim na realidad sa maraming institusyon ng gobyerno: kapag kapwa ahensya na ang magkakaharap, tila nagiging mabagal ang aksyon. May kanya-kanyang hurisdiksyon, may takot mabangga ang ibang opisina, at kadalasan ang nagdurusa ay ordinaryong manggagawa, residente, at kalikasan.

Ang masakit, habang tumatagal ang usapin, patuloy ding may gastos sa operasyon, may panganib sa kalusugan, at may posibilidad ng mas malawak na environmental contamination.

Dito pumapasok ang mas malaking tanong: Ano ba talaga ang mas mahalaga — kalikasan, kabuhayan, at kalusugan ng mga tao sa loob ng Subic Bay Freeport, o ang perang umiikot sa mga container na matagal nang dapat naresolba?

Sabi nga ng matandang kasabihan, “May pera sa basura.” Pero hanggang kailan dapat tiisin ng publiko ang perwisyo kapalit ng kita?
Ang tunay na sukatan ng isang ahensya ay hindi kung gaano ito kalakas sa papel, kundi kung kaya nitong manindigan at kumilos kahit may mabangga pang interes o kapwa opisina ng gobyerno.

Kung hindi kikilos ang mga kinauukulan ngayon, baka dumating ang panahong mas malaki na ang magiging gastos ng pinsala kaysa sa anumang kinita mula sa mga container na ito.

Leave a comment