NI: MITCH C. SANTOS
OLONGAPO CITY– Patay ang isang 56-anyos na babae matapos umanong pagsasaksakin ng 13 beses ng kanyang asawa sa Barangay East Tapinac, Olongapo City nitong gabi ng Miyerkules, Mayo 13, 2026.
Ang biktima na hindi na pinangalanan ay residente ng Irving Street, Barangay East Tapinac, habang ang suspek naman ay ang mismong asawa nito na kinilala sa pangalan na “Al,” 71-anyos.
Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap ang insidente habang brownout dakong alas-7:40 ng gabi nang magkaroon umano ng pagtatalo ang mag-asawa na humantong sa pananaksak.
Sa pagresponde ng barangay rescue personnel, agad na naisinugod ang biktima sa James L. Gordon Memorial Hospital, ngunit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.
Ayon kay PCapt. Melchor Catigday, Officer-in-Charge ng Police Station 3, may isang kapitbahay na nagsabing nakita umano nito ang suspek isang gabi bago ang insidente na may hawak na patalim at sinasaksak ang isang improvised wooden table.
Nagsampa na ng reklamo ang pamilya ng biktima habang patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo at iba pang detalye ng krimen.
Tinukoy ng pulisya ang kaso bilang parricide, at inihahanda na rin ang kaukulang kaso laban sa suspek.


Leave a comment