OLONGAPO CITY — Isang makulay at makahulugang pagtatapos ang isinagawa para sa PAGLAGO Art Festival sa pamamagitan ng “Artist Night” na ginanap sa Ayala Malls Harbor Point, kung saan nagsama-sama ang mga lokal na alagad ng sining, panauhin, at mga tagasuporta ng malikhaing industriya.
Sinimulan ang programa sa isang panalangin bilang pasasalamat sa matagumpay na pagdaraos ng art festival. Sinundan ito ng pagbati at pagkilala sa mga panauhin at artists na naging bahagi ng selebrasyon ng sining at talento sa lungsod.
Isa sa mga tampok sa gabi ang pagbibigay-pugay at pagbati sa mga artist na lumahok sa exhibit, kabilang ang pag-aanunsyo ng susunod na tema ng festival na inaasahang muling magbibigay inspirasyon sa mga kabataang manlilikha at art enthusiasts.
Naging emosyonal at makahulugan din ang bahagi ng programa nang ibahagi ng ilang first-time exhibitors ang kanilang testimonya at karanasan bilang mga bagong artist na nabigyan ng pagkakataong maipakita ang kanilang mga obra.
Ayon sa kanila, malaking inspirasyon at hakbang ito upang higit nilang mapaunlad ang kanilang talento sa larangan ng sining.
Isinagawa rin ang awarding of certificates bilang pagkilala sa ambag at partisipasyon ng mga artists at organizers na naging susi sa tagumpay ng PAGLAGO Art Festival.
Nagbigay aliw naman sa mga dumalo ang espesyal na pagtatanghal nina Ms. Elisha Cabuay at Allen Manalo na lalong nagpasigla sa gabi ng selebrasyon.
Nagtapos ang programa sa group photo at cocktails, simbolo ng pagkakaisa at patuloy na suporta sa lokal na sining at kultura sa Olongapo City. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment