SAN FERNANDO, Pampanga — Arestado ang isang lalaki habang tinatayang aabot sa ₱30 milyong halaga ng mga kagamitan at produktong pagkain ang nasamsam ng Philippine National Police (PNP) sa isinagawang operasyon laban sa umano’y ilegal na food production facility sa lungsod na ito noong Mayo 6.
Isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Pampanga Provincial Field Unit, katuwang ang regional intelligence units, lokal na pulisya at mga regulatory agency, ang pagpapatupad ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court sa San Fernando City.
Ayon sa PNP, ang sinalakay na pasilidad ay konektado sa isang korporasyong iniimbestigahan dahil sa umano’y paglabag sa itinatadhana ng food and drug regulations.
Sa operasyon, nadakip ang isang lalaking nasa lugar na sasailalim sa karagdagang legal na proseso.
Nakumpiska sa lugar ang iba’t ibang kagamitan sa produksiyon kabilang ang storage tanks, mixing at blending systems, boilers, filtration units, at mga food extract products.
Sinabi ng pulisya na nananatiling naka-secure sa lugar ang lahat ng nakuhang kagamitan at produkto upang mapreserba ang mga ebidensiya.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., patunay ang operasyon sa patuloy na kampanya ng organisasyon para protektahan ang publiko.
“Ang ganitong operasyon ay patunay na tuloy-tuloy ang ating kampanya para protektahan ang publiko. We remain firm but fair in enforcing the law,” ani Nartatez.
Sinabi pa ng PNP na bahagi ang operasyon ng kanilang Focused Agenda sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations at suporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang pagpapatupad ng mga regulasyon at tiwala ng publiko.
📸PNP-PRO3


Leave a comment