Ang Pahayagan

ACT REGION-3, IGINIGIIT ANG DAGDAG-SAHOD AT PANANAGUTAN NG PAMAHALAAN

ANGELES CITY, Pampanga — Nakikiisa ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Region 3 sa malawakang kilos-protesta sa nakaraang Araw ng Paggawa sa Plaza Miranda, Angeles City, kasama ang mga manggagawa, guro, kawani ng gobyerno, at iba pang sektor upang igiit ang makatarungang sahod at disenteng pamumuhay.

Sa pahayag-kalatas ng ACT Region-3, binigyang-diin nila ang umano’y patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo tulad ng pamasahe, langis, at kuryente, habang nananatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa at empleyado sa gobyerno.

Matagal na anilang panawagan ng kanilang samahan para sa makabuluhang dagdag-sahod, kabilang ang ₱50,000 minimum salary para sa Salary Grade 1 at ₱36,000 across-the-board salary increase para sa lahat ng kawani ng gobyerno. Suportado rin ng grupo ang ₱1,200 family living wage para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Iginiit din ng samahan na sa kabila ng kakulangan ng sahod at serbisyong panlipunan, patuloy umano ang paglalaan ng pondo sa mga programang hindi prayoridad, kabilang ang confidential funds at mga isyung may kaugnayan sa korapsyon.

Sinabi ni ACT Region 3 President at Spokesperson Amy Serdeña na mahalaga ang sama-samang pagkilos upang ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa at mapabuti ang kalidad ng serbisyong pampubliko.

Dagdag pa niya na ang laban para sa sahod ay hindi lamang usapin ng kabuhayan kundi bahagi rin ng mas malawak na adbokasiya para sa kinabukasan ng mamamayan.

Sa pagtatapos ng kanilang pahayag, muling nanawagan ang ACT Region 3 ng pagkakaisa sa hanay ng uring manggagawa at iba pang sektor upang ipaglaban ang makataong sahod, maayos na kondisyon sa paggawa, at pananagutan ng pamahalaan. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

Leave a comment