Dalawang taon lang matapos ang groundbreaking nito, isang world-class forensic laboratory na layong pabilisin ang paglutas ng mga krimen sa Metro Manila ang malapit nang matapos sa Lungsod ng Taguig.
Kasama ang mga lokal na pinuno ng lungsod, dinala ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Martes si Public Works Secretary Vince Dizon sa itinatayong pasilidad ng Philippine National Police sa Camp Bagong Diwa sa home city ng senador.
Ilang bahagi ng proyekto ang tapos na habang tuloy-tuloy naman ang malaking progreso sa iba pang bahagi nito.
Magkakatuwang sa proyekto ang City Government of Taguig, National Capital Region Police Office (NCRPO), at Taguig City University, na kilala sa matatag nitong criminology program.
Ayon kay Cayetano, layon ng pasilidad na itaas ang kakayahan ng PNP sa paglaban sa krimen.
“Ang intensiyon nito is to move the capability of PNP,” ani Cayetano nitong April 28, 2026 sa media.
“Ang buong responsibilidad sa anti-crime ay buong society: magulang, pari, pastor, businessmen, media. Sistema ‘yan. But how do you help the police? One way is to back them up with the facilities and science,” dagdag niya.
Inilarawan din ng pagbisita ang matagal nang pagtutulungan nina Cayetano at ng “action man” ng DPWH, na umiikot sa bansa para personal na inspeksyunin ang mga pampublikong imprastruktura sa mga lokalidad.
Una sa Southeast Asia
Ayon kay Cayetano, na pangunahing tagapagsulong ng proyekto simula pa 2007, layon nilang gawin itong “most modern forensics unit in Southeast Asia.”
“All around the world, law enforcement is moving into two things: forensic science and artificial intelligence,” ani Cayetano.
Kapag natapos, ang 12-storey forensic lab ang magiging tahanan ng 13 technical divisions ng NCR Regional Forensic Unit para sa mas mabilis at ligtas na pagproseso ng mga pisikal at digital na ebidensya.

Magkakaroon ito ng mga modernong pasilidad para sa DNA analysis, autopsy work, drug-testing, ballistics, fingerprint examination, at pagsusuri ng digital evidence at mga kaduda-dudang dokumento.
“‘Pag crime scene, nilalagyan pa natin ng dilaw na tape. But napapaisip tayo kung talaga bang kinukuha ang fingerprint at DNA? Mapagkakatiwalaan ba natin ang pasa-pasa ng DNA? Sigurado ba talagang nakulong ’yon? Many of these questions ay mareresolve ‘pag mayroon tayong very professional forensic group at modern crime lab,” nauna nang pahayag ng senador.
Pinakamabisang panlaban sa krimen
Bahagi ang proyekto ng mas malawak na adbokasiya ni Cayetano na gawing moderno ang mga crime laboratory sa buong bansa para matulungan ang kapulisan na mapabilis ang pagresolba ng mga kaso sa pamamagitan ng pagbuo ng matitibay na ebidensiya.
“The biggest deterrent to crime is the certainty of being caught,” ani Cayetano noong 2022 sa pagdiriwang ng National Correctional Consciousness Week sa Taguig.
Diin niya, bagama’t tinatanggap sa korte ang testimonya ng mga testigo, mas mabigat pa rin ang forensic evidence.
Sa pagbisita sa forensic lab noong Martes, hinikayat ng senador ang mga pulis, aktibo man sa serbisyo o retirado, na iparating sa mga policymaker ang kanilang mga pangangailangan.
“Engage niyo y’ung policymakers, from the barangay all the way to Malacañang, because mas alam niyo ang problema niyo at mas alam niyo ang solusyon,” aniya.(PR)


Leave a comment