OLONGAPO CITY – Sumali at sumoporta ang mahigit 600 hanggang 700 katao, kasama ang kanilang mga pamilya at kaibigan, sa isinagawang ANCOP Global Walk 2026 sa Linggo, Oktubre 25, sa Rizal Triangle, Olongapo City.
Ang aktibidad ay pinangungunahan ng ANCOP (Answering the Cry of the Poor), ang sangay ng Couples for Christ (CFC) na nakatuon sa pagpapaunlad ng pamumuhay ng mahihirap, bilang bahagi ng kampanya nitong maghatid ng pag-asa at suporta sa mga nangangailangang pamilya.
Nagsimula ang pagtitipon bago sumikat ang araw, bandang alas-4:30 ng madaling-araw, sa temang “One Mission, One Walk,” na hango sa 1 Juan 1:3–4 at nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagkakaisa, pakikipagkapwa, at sama-samang paglilingkod.
Ayon sa pahayag ng organisasyon, inaasahang makikibahagi sa paglalakad ang mga pamilya, kabataan, boluntaryo, mga faith community, corporate partner, at iba pang Pilipinong sumusuporta sa mga programang naglalayong tulungan ang mga kapus-palad.
Kabilang din sa mga lalahok ang mga estudyanteng iskolar ng ANCOP na nagsisikap makapagtapos ng pag-aaral at maabot ang kanilang mga pangarap sa kabila ng mga hamon sa buhay.
Inaasahan ding makikiisa ang mga fur parent na maaaring isama ang kanilang mga alagang hayop sa nasabing aktibidad, na naglalayong maging isang pagtitipong pampamilya at pangkomunidad.
Isa ang ANCOP Global Walk sa mga pangunahing gawaing pangangalap ng pondo at pagpapalawak ng kamalayan ng organisasyon upang masuportahan ang mga programa nito para sa mahihirap at sa mga pamilyang nangangailangan.
Sa pamamagitan ng nasabing aktibidad, hinihikayat ang publiko na makiisa sa pagsusulong ng malasakit at pagtutulungan, kung saan ang bawat hakbang ay sumisimbolo sa iisang layunin—ang maghatid ng pag-asa at makatulong sa kapwa.
Layunin din ng pagtitipon na palakasin ang ugnayan ng mga kalahok sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at pagbabahagi ng iisang misyon para sa kapakanan ng mga nangangailangan. (Ulat ni Mitch C. Santos)




Leave a Reply