Nagsisilbing “wake-up call” ang sunog na tumupok sa Manila Central Post Office sa pangangailangan na protektahan ang mga makasaysayang gusali at artifact sa bansaayon kay Senador Alan Peter “Compañero” S. Cayetano nitong Martes, Mayo 23.
“The State should make use of this unfortunate event as a learning opportunity on how buildings of cultural, artistic, and historical significance to the Philippines should be better taken care of as it is important that future tragedies of this scale be prevented,” sabi ni Cayetano sa Senate Resolution No. 635 na isinulat at inihain niya ngayong May 23, 2023.
Nasunog ang gusali noong Linggo ng gabi, May 21, at walong oras bago ito na-kontrol ng Bureau of Fire Protection noong Lunes ng umaga. Tinatayang umabot sa halagang P300 milyon ang pinsalang dulot ng apoy.
Dahil nangyari ang sunog sa gitna ng pagdiriwang ng National Heritage Month, sinabi ni Cayetano kailangang magbigay ng sapat na pangangalaga para maprotektahan ang ating mga national treasures gamit ang modern equipment, surveillance, at strategies. Kailangan din aniyang pondohan ang mga ahensyang gagawa nito.
Sinabi ni Cayetano na ang Pilipinas ay biniyayaan ng Diyos ng “rich history, great heritage, and a roster of creative artists” at ang bansa ay tahanan ng iba pang mga lumang gusali, simbahan, at mahusay na mga gawa ng sining na hindi na mapapalitan o magagawang muli kung mawala.
Aniya, kabilang sa mga mahahalagang gusali ang San Agustin Church, National Museum, at maging ang Malacañang. Dagdag niya, karamihan sa mga istrukturang ito ay naglalaman ng mahahalagang painting, sculpture, at iba pang artwork.
Sinabi ni Cayetano na sa pagsasagawa ng imbestigasyon ng Senate Committee on Culture and the Arts, nais di niyang tukuyin senador kung ano ang dahilan sa likod ng sunog, at kung maaari bang pigilan ang mga ganitong pangyayari sa pamamagitan ng mas mahusay na paghahanda at pagtugon.
Gusto rin niyang matukoy ng imbestigasyon kung maaaring protektahan ang iba pang national treasures. “As we saw in the post office fire, we need to ask how equipped and prepared the Philippine government is for proper management and protection of its national heritage buildings and artifacts, especially with the minimal funds being allocated for its care and custody and the meager salaries given its custodians,” aniya.(PR)


Leave a comment