Ang Pahayagan

Dagdag na suweldo, hiling ng mga trabahador alinsabay ng Bonifacio Day

OLONGAPO CITY  – Nagsagawa ng rali ang ilang miyembro ng Workers Peoples Liberation / Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (WPL/Kilusan) – Zambales Chapter upang hilingin sa pamahalaan ang karagdagang suweldo at mga benipisyo sa trabaho alinsabay sa paggunita sa Bonifacio Day nitong Nobyembre 30.

Ayon kay Dwight Bautista, spokesperson ng WPL-Kilusan, hinihingi ng kanilang samahan ang dagdag sa suweldo ng manggagawa upang maka-agapay umano ang mga ito sa tumataas na presyo ng mga bilihin.

Kasama din sa kanilang hinihingi ang pagkakaloob ng anila’y non-wage benefit tulad ng rice subsidy para sa mga trabahador sa mga pampubliko at pribadong sektor.

Ipinanawagan din ng grupo na ipatigil ang sistemang kontraktuwalisasyon at bagkus ay gawing regular ang mga empleyado.

Tinuran din ni Bautista na sa halip na fuel subsidy ay suspindihin muna ang excise tax sa produktong petrolyo upang bumaba ang presyo ng mga bilihin.

Nanawagan din ang nasabing grupo sa pamahalaan na ibalik ang anila’y regulasyon sa importasyon ng bigas, isda at iba pang produktong agrikultural at ipawalang bisa ang Rice Tarrification Law.

Saad pa ni Bautista, isinabay nila ang kanilang rali sa kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio dahilan aniya sa ito ang diwa ng rebolusyong itinataguyod ng KKK sa pamumuno ng pambansang bayani. (Ulat ni JUN DUMAGUING/ Ang Pahayagan)

📸 Mula sa Workers Peoples Liberation / Kilusan para sa Pambansang Demokrasya – Zambales Chapter

One response to “Dagdag na suweldo, hiling ng mga trabahador alinsabay ng Bonifacio Day”

  1. dwight s.bautista Avatar
    dwight s.bautista

    NAKAKABUHAY NA
    SAHOD…IGIIT…IPAGLABAN….
    IPATUPAD…

    Like

Leave a reply to dwight s.bautista Cancel reply