SAN MARCELINO, Zambales — Kinilala ang San Marcelino District Hospital (SMDH) bilang isa sa mga nangungunang Level 1 hospital sa bansa, kapwa sa pampubliko at pribadong sektor, sa 2026 Department of Health (DOH) Hospital Star Awards.
Iginawad ang pagkilala noong Martes, Nob. 24 sa Wyndham Garden Manila Bay sa seremonyang pinangunahan ng DOH Center for Health Development CALABARZON.
Layunin ng Hospital Star Awards na kilalanin ang mga ospital na nagpapakita ng kahusayan sa pamamahala, pagsunod sa mga pamantayan at regulasyon, at pagbibigay ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.

Tinanggap nina Dr. Cresencio T. Gonzales Jr., chief of hospital II, at Dr. Lester L. Ragadio, chief of the Nursing Service, ang parangal sa ngalan ng SMDH.
Pinasalamatan naman ng pamunuan ng ospital si Zambales Gov. Hermogenes E. Ebdane Jr. sa suporta nito sa pagpapalakas at pagpapaunlad ng mga serbisyong pangkalusugan sa lalawigan.
Kinilala rin ng ospital ang suporta at paggabay ng mga opisyal ng DOH, kabilang sina Health Secretary Dr. Edwin M. Mercado; Director Annette B. Tan ng Health Facilities and Services Regulatory Bureau; Central Luzon Center for Health Development III Regional Director Dr. Corazon I. Flores; at Regulatory Licensing and Enforcement Division Chief Dr. Josefina Padua.
Ayon sa SMDH, magsisilbing inspirasyon ang pagkilala upang higit pang mapahusay ang kanilang mga serbisyo, partikular sa kaligtasan ng mga pasyente, kalidad ng pangangalaga at pagtugon sa pangangailangan ng publiko. (Ang Pahayagan Reportorial Team)
Mga larawan mula sa fb post / G. Lester Ragadio




Leave a Reply