BALANGA CITY, Bataan — Pormal nang nilagdaan ng 189 miyembro ng Ayta Magbukon mula sa apat na munisipalidad sa Bataan ang mga resolusyong tumututol sa eksplorasyon ng mineral sa Pantingan Peak sa Mount Mariveles.

Pinagtibay ang mga resolusyon sa isang community assembly na isinagawa sa Limay noong Nob. 17, kasunod ng pakikipagpulong ng mga lider-katutubo sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) noong Nob. 11 sa The Bunker.

Pinangunahan ng mga lider ng Ayta Magbukon mula sa Mariveles, Limay, Orion at Bagac ang pagtitipon upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa eksplorasyon at pagmimina sa lugar, na ayon sa kanila ay mahalaga sa pangangalaga ng kanilang mga komunidad, lupang ninuno at kapaligiran.

Sa tulong at dokumentasyon ng NCIP, nilagdaan ng mga kinatawan ng bawat komunidad ang kani-kanilang resolusyon. Kabilang sa kanilang mga kahilingan ang tuluyang pagkansela sa permit sa ilalim ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) No. 154-2000-III.

Isusumite ang mga resolusyon sa NCIP Provincial Office, na magpapasa sa mga ito sa NCIP Regional Office III para sa kaukulang aksyon.

Samantala, hiniling ni Bataan 2nd District Rep. Albert S. Garcia sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pag-aralan ang posibilidad ng pansamantalang suspensiyon o pagpapatigil sa mga aktibidad ng eksplorasyon sa mga dalisdis ng Mount Mariveles habang sinusuri ang mga kaugnay na dokumento at permit.

Sa isang pahayag na inilabas sa social media, sinabi ni Garcia na dapat isaalang-alang ang pagpapatupad ng kautusan kung mapatutunayang may paglabag sa mga kinakailangang dokumento at pahintulot, kabilang ang certification precondition, free, prior and informed consent (FPIC) ng mga katutubo, environmental authorization, konsultasyon sa mga apektadong komunidad at pag-apruba sa work program.

Noong Nob. 9, pansamantalang ipinahinto ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Region III ang lahat ng exploration activities ng Balanga Bataan Minerals Corp. (BBMC) hanggang sa makapagsumite ito ng Certification Precondition mula sa NCIP.

Nakiisa rin sa pagpupulong ang mga kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan, kabilang ang mga kinatawan ni Gov. Joel Garcia, gayundin ang mga kinatawan nina Bataan 2nd District Rep. Albert S. Garcia at 3rd District Rep. Gila Garcia.

Binigyang-diin ng pamahalaang panlalawigan ang pagkilala sa karapatan ng mga Ayta Magbukon na maipahayag ang kanilang paninindigan at mapangalagaan ang kanilang mga lupang ninuno.

Bukod sa karapatan ng mga katutubo, kabilang din sa mga usaping nakapaloob sa pagtutol ang pangangalaga sa Pantingan Peak, mga likas na yaman at pinagkukunan ng tubig sa lalawigan. (Ang Pahayagan Reportorial Team)

Leave a Reply

Trending