NORTH CALOOCAN CITY — Nasagip ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang isang sugatang reticulated python na mahigit 10 talampakan ang haba sa Barangay 176-B, North Caloocan City.
Ayon sa DENR Metropolitan Environmental Office (MEO)-North, rumesponde ang kanilang mga tauhan matapos makatanggap ng ulat tungkol sa sawa na natagpuan sa isang residential area na may mga sugat o laceration sa katawan.
Iniulat din na binuhusan umano ng mainit na tubig ang ahas bago ito nakuha ng mga tauhan ng barangay, na agad namang nakipag-ugnayan sa DENR upang matiyak ang maayos na paghawak at paglilipat sa hayop.
Dahil sa mga tinamong pinsala, dinala ang sawa sa Wildlife Rescue Center sa Quezon City noong araw ding iyon para sa kinakailangang pangangalaga at rehabilitasyon.
Binigyang-diin ng DENR-MEO-North na ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang pananakit at pagmamaltrato sa mga hayop-ilang. Ang mga mapatutunayang lalabag sa batas ay maaaring mapatawan ng kaukulang parusa.
Pinayuhan din ng ahensiya ang publiko na huwag saktan, hulihin o tangkaing hawakan ang mga ligaw na hayop na matatagpuan sa mga pamayanan. Sa halip, panatilihin ang ligtas na distansiya at agad na iulat ang mga ganitong insidente sa barangay o kinauukulang awtoridad upang matiyak ang ligtas na pagresponde. (DENR NCR Press Release)




Leave a Reply