SAN NARCISO, Zambales — Inaresto noong Martes ng umaga, Nobyembre 17, ang isang konsehala ng bayan ng Subic dahilan sa umano’y ilegal na pangangalakal ng mga produktong petrolyo.
Kinilala ang akusado na si Sherille “Shie” Gutierrez y De Luna, 51, residente ng Barangay San Isidro, Subic, Zambales.
Ayon sa ulat ng pulisya, isinagawa ang pag-aresto dakong alas-10:45 ng umaga sa Barangay Libertad, San Narciso, ng tracker team ng San Narciso Municipal Police Station sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Municipal Trial Court (MTC) ng San Narciso.
Nilagdaan ni Presiding Judge Denise A. Dacanay-Sagun noong Nobyembre 16 ang warrant sa ilalim ng Criminal Case No. 6741.
Nahaharap si Gutierrez sa kasong paglabag sa Section 2(A) ng Presidential Decree 1865 o ilegal na pangangalakal ng petrolyo, kaugnay ng Section 3 ng Batas Pambansa Blg. 33.


Samantala, sa pahayag na inilathala ng kanyang mga tagasuporta sa social media, nilinaw ni Gutierrez na kusa siyang nagtungo sa Municipal Trial Court ng San Narciso matapos malaman na may inilabas na warrant of arrest laban sa kanya.
Sinabi niyang susunod siya sa proseso ng batas at haharapin ang kaso sa tulong ng kanyang mga abogado sa pamamagitan ng pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento at ebidensiya upang maipahayag ang kanyang panig.
Ipinauubaya rin niya sa hukuman ang paghatol sa kasong kinakaharap at nagpahayag ng paniniwalang mananaig ang katotohanan at katarungan.
Nagtakda ang korte ng ₱30,000 na piyansa para sa pansamantala niyang paglaya. (Ang Pahayagan Reportorial Team)




Leave a Reply