SUBIC, Zambales — Nagkaloob ng tulong at nagsagawa ng hakbang ang mga lokal na pamahalaan sa Zambales at Olongapo City para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho o kita dahil sa sunog noong Nob. 4 sa Subic Gateway Park Phase II sa loob ng Subic Bay Freeport Zone.
Nagsasagawa ng profiling at pagtatasa ng pangangailangan ng mga apektadong residente ang mga pamahalaang bayan ng Subic, San Antonio, San Marcelino at Masinloc, katuwang ang pamahalaang lungsod ng Olongapo, upang matukoy ang mga maaaring makatanggap ng tulong mula sa lokal at pambansang pamahalaan.
Sa San Antonio, sinabi ni Mayor Arvin Rolly D. Antipolo na nakikipag-ugnayan ang munisipyo sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) upang matukoy ang kalagayan ng mga manggagawang naapektuhan ng pansamantalang pagsuspinde sa operasyon ng ilang pabrika.
Inatasan din niya ang Public Employment Service Office (PESO) at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) na magsagawa ng profiling at bumuo ng database ng mga apektadong residente bilang batayan sa pagbibigay ng angkop na ayuda.
Samantala, nagsagawa na rin ng panayam at profiling ang MSWDO ng San Marcelino sa mga residente nitong nagtatrabaho sa Jinboway Technology Ltd. Corp. at Juan Fong Industrial Corp., na kapwa naapektuhan ng sunog.
Inatasan ni Mayor Elvis Ragadio Soria ang mga tanggapan ng munisipyo na magbigay ng kinakailangang suporta sa mga manggagawang nawalan ng kabuhayan, lalo na’t nalalapit na ang Pasko at kailangang matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Nakipag-ugnayan na rin ang Lokal na Pamahalaan ng Masinloc sa SBMA upang makakuha ng listahan at mabatid kung mayroong taga-Masinloc na kasama sa mga apektadong manggagawa.
Ani Mayor Hazel Jalata Lim, nauunawaan naman aniya na ang ilan sa kanyang kababayan ang naninirahan sa Olongapo City dahil doon nagtatrabaho at umuupa ng tirahan, gayunman kung lehitimong taga-Masinloc ang mga ito ay hinihikayat niya na magtungo sa PESO Office ng Masinloc upang magsumite ng kaukulang dokumento para sa tulong pinansyal.
Sa Olongapo City, sinimulan naman ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) noong Nob. 11 ang pagtanggap ng mga aplikasyon para sa pinansiyal na ayuda sa ikalawang palapag ng City Hall. Tatanggapin ang mga aplikasyon at kinakailangang dokumento hanggang Nob. 19.
Kabilang sa mga kailangang isumite ang orihinal at kopya ng kasalukuyang company identification card at isa pang government-issued ID na nagpapatunay ng paninirahan sa Olongapo, o iba pang katibayan ng residency.
Ibeberipika ang mga dokumento batay sa opisyal na listahan ng mga empleyado mula sa mga kumpanyang naapektuhan bago iproseso ang mga aplikasyon.
Sinabi naman ni Zambales First District Rep. at Deputy Speaker Jay Khonghun na ibinigay na ng SBMA Labor Center ang listahan ng mga apektadong manggagawa upang mapabilis ang pagproseso ng kanilang pinansiyal na ayuda.
Sinimulan na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang beripikasyon sa mga posibleng benepisyaryo, habang nakikipag-ugnayan si Khonghun sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa karagdagang tulong at programa para sa mga nawalan ng trabaho.
Kabilang sa mga kumpanyang naapektuhan ng sunog ang Philippines Jinboway Technology Ltd. Corp., Juan Fong Industrial Corp., Rhinasam Shelving Systems Corp. at Aolly Home Philippines Inc., bukod sa iba pang manufacturing at service companies sa industrial park.
Layunin ng koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan at pambansang ahensiya na mabigyan agad ng ayuda ang mga apektadong manggagawa at matulungan ang kanilang mga pamilya na makabangon sa epekto ng pagkawala ng kanilang pinagkakakitaan. (Ang Pahayagan Reportorial Team)




Leave a Reply