VALENZUELA CITY — Iniimbestigahan ng Bureau of Customs (BOC), katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI), Department of Agriculture (DA) at Philippine Coast Guard (PCG), ang mga produktong nagkakahalaga ng tinatayang ₱524.27 milyon na natagpuan sa isang warehouse sa lungsod na ito dahil sa mga iregularidad sa mga dokumento ng pag-aangkat.
Naglabas ang BOC-Manila International Container Port (MICP) ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) noong Nob. 9, 2026, matapos matukoy ang mga hindi pagkakatugma sa aktuwal na imbentaryo ng mga produkto at sa mga dokumentong isinumite ng warehouse.
Batay sa paunang imbestigasyon, nabigo ang mga kinatawan ng warehouse na magpakita ng sapat na dokumentong magpapatunay na legal na na-import ang mga produkto, nabayaran ang kaukulang buwis at duties, at nakuha ang mga kinakailangang permit mula sa DA.


Kabilang sa mga natukoy na iregularidad ang humigit-kumulang 41,033 sako ng pulang sibuyas na hindi tumutugma sa mga isinumiteng dokumento.
Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ang BOC-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng impormasyon mula sa NBI-National Capital Region noong Okt. 7 hinggil sa posibleng pag-iimbak ng mga produktong agrikultural na lumalabag sa mga regulasyon sa customs.
Naglabas ang BOC ng Letter of Authority (LOA) noong Okt. 9 alinsunod sa Sections 222 at 224 ng Republic Act No. 10863, o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), upang inspeksyunin at imbentaryuhin ang mga produkto sa warehouse.
Sa isinagawang 100 porsiyentong pisikal na imbentaryo noong Okt. 17, naitala ang 99,289 sako ng pulang sibuyas na nagkakahalaga ng ₱372.3 milyon; 20,886 sako ng beans at legumes na nagkakahalaga ng ₱103.7 milyon; at 18,016 kahon ng luya at carrots na nagkakahalaga ng ₱26 milyon.


Natagpuan din sa warehouse ang mga produktong mani, textured vegetable protein, laundry bluing powder, mga materyales sa pagpapakete at apat na forklift.
Umabot sa ₱524,274,355 ang kabuuang tinatayang halaga sa merkado ng lahat ng produktong kasama sa operasyon.
Batay sa mga marka sa packaging, nagmula sa China, Argentina, Australia, Indonesia, India, Myanmar at Egypt ang ilan sa mga produkto. Hindi pa naman matukoy ang pinagmulan ng mga pulang sibuyas at ilang iba pang produkto.
Pinangunahan ng CIIS-MICP ang operasyon kasama ang NBI, PCG, Enforcement and Security Service (ESS) at Formal Entry Division (FED). Nakipag-ugnayan din ang BOC sa DA at Bureau of Plant Industry (BPI), na nagrekomenda ng karagdagang beripikasyon sa mga sertipikong isinumite ng mga kinatawan ng warehouse.
Nananatili sa kustodiya ng BOC at nasa ilalim ng pagbabantay ng customs personnel ang mga produkto habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sinusuri rin ng ahensiya ang posibleng paglabag sa Republic Act No. 12022, o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, pananagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa mga batas at regulasyon sa pag-aangkat ng mga produktong agrikultural.
Sinabi niyang kailangang mapatunayan ang pinagmulan ng mga produkto, legalidad ng kanilang pagpasok sa bansa at pagbabayad ng kaukulang buwis. (BOC Press Release)



Leave a Reply