-Sec. Kim, ipinaalala sa mga ahensya na dapat ibigay ang katumbas ng isang buwang basic pay at P5,000 cash gift kasabay ng unang suweldo sa Nobyembre; pondo, naipamahagi na
MAYNILA– Ipinaalala ng Department of Budget and Management (DBM) sa mga ahensya na tiyakin ang napapanahong pagbibigay ng Year-End Bonus at P5,000 Cash Gift para sa Fiscal Year (FY) 2026 sa mga kwalipikadong kawani ng pamahalaan.
Binigyang-diin ng DBM na dapat matanggap ang dalawang benepisyo kasabay ng unang suweldo sa Nobyembre, at hindi sa pamamagitan ng hiwalay o susunod na payroll.
Umabot sa P82.998 bilyon ang kabuuang inilaan para sa dalawang benepisyong ito, na saklaw ang mga kwalipikadong sibilyan, militar, at unipormadong kawani sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Alinsunod sa DBM Budget Circular No. 2024-3 na may petsang Oktubre 22, 2024, may karapatan ang mga kwalipikadong kawani na makatanggap ng Year-End Bonus na katumbas ng isang buwang basic pay batay sa kanilang suweldo hanggang Oktubre 31, 2026, kasama ang P5,000 Cash Gift, alinsunod sa mga itinakdang kwalipikasyon.
Binigyang-diin ni DBM Secretary Kim Robert C. De Leon na naipamahagi na ang pondo sa mga kinauukulang ahensya at dapat matanggap ng mga kawani ng gobyerno ang kanilang mga benepisyo nang walang hindi kinakailangang pagkaantala.
“Ang Year-End Bonus po ng mga government employees na katumbas ng one month basic salary, kasama ang P5,000 Cash Gift, ay dapat matanggap kasabay ng first salary for November. Na-release na po ng DBM ang pondo para rito, kaya we want to remind our agencies to ensure the timely release of these benefit,” ani Secretary Kim.
“Alam po natin na malaking tulong ito sa ating mga kawani at kanilang pamilya, especially ngayong papalapit na ang Pasko. More importantly, this is our way of recognizing and thanking our government workers for their hard work, dedication, and continued service to the Filipino people,” dagdag pa niya.
Upang maging kwalipikado sa buong halaga ng Year-End Bonus at Cash Gift, kailangang nakapaglingkod ang mga kawani ng gobyerno nang hindi bababa sa apat na buwang pinagsama-samang serbisyo, katumbas ng 120 araw, mula Enero 1 hanggang Oktubre 31, 2026.
Kailangan ding nananatili silang nasa serbisyo hanggang Oktubre 31, 2026. Kabilang sa kinikilalang serbisyo ang aktuwal na panunungkulan sa regular, contractual, o casual na posisyon sa pambansa o lokal na pamahalaan, kabilang ang mga awtorisadong leaves of absence na may bayad.
Nilinaw ng DBM na ganap nang naipamahagi sa mga kinauukulang ahensya sa simula pa lamang ng FY 2026 ang pondo para sa dalawang benepisyong ito. Nakasalalay sa iskedyul ng payroll ng bawat ahensya ang aktuwal na petsa ng pagbabayad, alinsunod sa patakarang kailangang sabay na maibigay ang dalawang benepisyo kasabay ng unang payroll sa Nobyembre.
Sa kabuuang inilaang pondo, P73.449 bilyon ang nakalaan para sa Year-End Bonus, habang P9.549 bilyon naman ang para sa P5,000 Cash Gift.
Muling iginiit ng DBM na obligasyon ng mga ahensya ng pamahalaan, alinsunod sa umiiral na mga patakaran sa kompensasyon ng gobyerno, na tiyakin ang napapanahong pagbibigay ng mga benepisyong ito. Hinimok din nito ang mga kinauukulang ahensya na sundin ang itinakdang iskedyul ng pagbabayad. [DBM Press Release]




Leave a Reply