OLONGAPO CITY — Pinarangalan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga negosyo at pampublikong palengke sa Zambales, Olongapo City, at Subic Bay Freeport Zone bilang pagkilala sa kanilang pagsunod sa mga pamantayan ng patas na kalakalan, pangangalaga sa karapatan ng mga mamimili, at pagtataguyod ng responsableng pamamahala sa negosyo.
Bahagi ito ng pagdiriwang ng Consumer Welfare Month 2026, kung saan iginawad ang Bagwis Awards, Eco Konsyumer Business Seal of Excellence, at Konsyumer Seal of Excellence for Public Markets sa mga kwalipikadong establisimyento at pamilihan.
Sa ilalim ng Bronze Bagwis Award, kinilala ang limang establisimyento: Gentrade International Philippines, Inc. (Transcycle Iba), United Asia Automotive Group, Inc. sa Subic Bay Freeport Zone, JKJ Home Depot sa Iba, KR Racal Home Builders, Inc. sa Botolan, at Hermosa Tile Center, Inc. sa Olongapo City.

Samantala, 13 establisimyento ang tumanggap ng Gold Bagwis Award bilang pagkilala sa kanilang pagsunod sa mga pamantayan ng proteksiyon sa mamimili.
Kabilang dito ang Earthstone Floor Center, Inc. at RL Vercons Merchants Corp. sa Olongapo City; Robinson’s Handyman, Inc. sa Subic Bay Freeport Zone; AIED Auto Care Services sa Iba; at mga sangay ng Mr. D.I.Y. sa Iba, Masinloc, at Castillejos.
Kinilala rin ang mga sangay ng Pandayan Superstore sa Ulo ng Apo at East Bajac Bajac sa Olongapo City, Waltermart Department Store at Waltermart Supermarket sa Subic, RL Vercons Merchants Corp. sa Pag-asa, at Savemore Market sa Castillejos.
Sa pagsusulong naman ng responsableng pagkonsumo at pangangalaga sa kapaligiran, tumanggap ng Silver Award sa Eco Konsyumer Business Seal of Excellence ang Subic 999 Corporation at Lucky Dale Subic International, Inc., na kapwa matatagpuan sa Subic Bay Freeport Zone.
Kinilala rin ang mga pampublikong pamilihan sa lalawigan sa ilalim ng Konsyumer Seal of Excellence for Public Markets.
Tumanggap ng Bronze Award ang Iba Public Market, Candelaria Public Market, at Masinloc Public Market.
Samantala, ginawaran ng Silver Award ang San Antonio Public Market, Botolan Public Market, at San Marcelino Public Market.
Layunin ng mga parangal na kilalanin ang mga negosyong nagtataguyod ng patas na transaksiyon, maayos na serbisyo, at pagsunod sa mga regulasyong naglalayong protektahan ang mga mamimili.
Sa pamamagitan ng mga programang ito, hinihikayat ang mga negosyo at namamahala sa mga pampublikong pamilihan na patuloy na pagbutihin ang kanilang serbisyo at tiyaking naipatutupad ang mga karapatan ng mga mamimili sa bawat transaksiyon.
Ang pagkilala sa mga establisimyento at pamilihang ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap na palakasin ang tiwala ng publiko sa mga negosyo at isulong ang isang patas, ligtas, at responsableng pamilihan para sa lahat. (Ulat at larawang kuha ni Mitch C. Santos para sa Ang Pahayagan)




Leave a Reply