OLONGAPO CITY — Matagumpay na isinagawa ng Department of Trade and Industry (DTI) – Zambales ang Pangwakas na Gawain para sa Buwan ng Kapakanan ng Mamimili 2026 ngayong ika-22 ng Oktubre, sa Activity Center ng SM City Olongapo Central.
Sa ilalim ng temang “Ligtas na Produkto, Tiwala ng Mamimili: Pagpapataas ng Pamantayan para sa Mas Ligtas na Produkto at Mas Matibay na Tiwala ng Mamimili,” nagtipon ang iba’t ibang ahensya at kasosyo upang palakasin ang karapatan at kapakanan ng mga mamimili sa lalawigan.
Binuksan ang programa ng isang pambungad na mensahe mula kay G. Enrique D. Tacbad, PhD, Direktor ng DTI Zambales. Sinundan ito ng pagbabahagi ng mga programa at serbisyo mula sa Integrated Bar of the Philippines – Olongapo City at Zambales Kabanata.
“Maraming salamat po sa lahat ng mga nakatuwang ng DTI., Stake Holder,Local Government Unit, Academe, Media at Marami pang iba. Para sa Ligtas na Produkto, Tiwala ng Mamimili: Pagpapataas ng Pamantayan para sa Mas Ligtas na Produkto at Mas Matibay na Tiwala ng Mamimili, Ani ng mga tagapag salita.
Isa sa mga pinakamahahalagang bahagi ng kaganapan ay ang paglulunsad ng Project METRO, isang inisyatiba na nakatuon sa pagpapatupad ng Batas sa Makatarungang Kalakalan. Kasabay nito, pormal na ipinasa ang mga sistema tulad ng Ikot Palengke App at Consumer Hub — mga kasangkapan na naglalayong mas mabilis na masubaybayan ang mga presyo at kalidad ng mga produkto sa mga pamilihan.
Nagdaos din ng pagkilala sa mga negosyo na iginawad ang DTI Bagwis, Eco-Konsyumer Business Seal of Excellence, at Konsyumer Seal of Excellence para sa mga Pampublikong Pamilihan — bilang pagkilala sa kanilang pagsunod sa mga pamantayan at pagbibigay ng kalidad na serbisyo.
Sa kasunduan sa DTI Zambales at Gordon College, pinagtibay ang pagsasama-sama ng pagsisikap upang masiguro ang mabisang pagbabantay at pagpapatupad ng mga batas para sa kapakanan ng mamimili. Nagkaroon din ng koronasyon para sa Zambales Consumer Advocate 2026.
Ang nasabing gawain ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng SM City Olongapo Central, Pamahalaan ng Zambales, Lungsod ng Olongapo, at iba pang lokal na pamahalaan at ahensya. Sa pamamagitan ng mga ganitong hakbang, patuloy na itinataguyod ng DTI ang isang kapaligiran kung saan ligtas ang mga produkto at tiwala ang bawat mamimili sa Zambales. (Ulat at larawang kuha ni Mitch C. Santos)




Leave a Reply