SAN ANTONIO, Zambales — Isinusulong ang pagpapaunlad ng turismo at kabuhayan sa San Antonio, Zambales, sa pamamagitan ng planong pagtatayo ng tatlong floating dock at pagsisimula ng konstruksyon ng isang tourism center complex sa bayan.

Nagsagawa ng ocular inspection si Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) General Manager Mark Lapid, kasama si San Antonio Mayor Doc Arvin Antipolo, upang tingnan ang mga lokasyong nakalaan para sa planong floating dock project.

Nakatakdang magkaroon ng tatlong floating dock ang bayan—isa sa Barangay San Miguel at dalawa sa Barangay Pundaquit. Layunin ng mga pasilidad na mapadali ang pagsakay at pagbaba ng mga turista, partikular sa mga bumibisita sa mga isla at nagsasagawa ng island hopping.

Inaasahang makatutulong ang proyekto sa pagpapahusay ng mga pasilidad para sa turismo at sa pagsuporta sa kabuhayan ng mga lokal na bangkero na umaasa sa mga turistang bumibisita sa mga baybayin at isla ng San Antonio.

Samantala, sinimulan na rin ang konstruksyon ng tourism center complex na inaasahang magsisilbing sentro ng mga serbisyong may kaugnayan sa turismo at iba pang pangangailangan ng mga mamamayan.

Tampok sa disenyo ng gusali ang konseptong hango sa Capones Island Lighthouse, isa sa mga kilalang palatandaan at atraksyon ng bayan. Inaasahang magsisilbi rin itong one-stop shop para sa mga turista at lokal na residente, bukod sa potensiyal nitong magbukas ng mga oportunidad sa negosyo at pagkakakitaan para sa mga mamamayan.

Bukod sa pagpapaunlad ng turismo, namahagi rin si Lapid, katuwang ang lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Antipolo, ng mga binhi at abono sa mga magsasaka bilang suporta sa sektor ng agrikultura.

Kabilang sa mga ipinamahaging tulong ang hybrid rice seeds, certified rice seeds, yellow corn seeds at fertilizer upang makatulong sa paghahanda ng mga magsasaka sa pagtatanim at pagsuporta sa produksiyong agrikultural.

Nagsagawa rin ng pamamahagi ng ayuda para sa mga senior citizen sa Barangay San Esteban, San Antonio, na dinaluhan nina Lapid at Mayor Antipolo. ~By: Marti Dumaguing

Leave a Reply

Trending