MUNTINLUPA CITY–Nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources–National Capital Region (DENR-NCR) sa posibleng epekto ng invasive alien species (IAS) sa ecosystem at mga katutubong species.
Kaugnay ito sa natagpuang isang Red-eared Slider Turtle (Trachemys scripta elegans) na nasagip sa Alabang-Bayanan River sa Barangay Bayanan, Muntinlupa City. Nabatid mula sa report ng isang Estero Ranger na may bitak sa talukab ang nasabing pagong.
Ayon sa DENR-NCR, hindi katutubo sa Pilipinas ang Red-eared Slider Turtle, bagama’t karaniwan itong inaalagaan bilang alagang hayop.
Kapag nakawala o sadyang pinakawalan sa mga ilog, maaari itong makipag-agawan sa mga katutubong species para sa pagkain at tirahan, na posibleng makagambala sa balanse ng ekosistema.
Dahil dito, pinaalalahanan ng ahensiya ang publiko na huwag basta pakawalan sa kalikasan ang mga alagang hayop, lalo na ang mga hindi katutubong species.
Pinayuhan din ang mga may-ari ng alagang hayop na kumonsulta sa DENR o sa kinauukulang awtoridad kung hindi na nila kayang alagaan ang mga ito, upang maiwasan ang posibleng epekto sa biodiversity at kapaligiran. (DENR NCR PR)




Leave a Reply