GAPAN CITY, NUEVA ECIJA— Mahigit kalahating araw ang ginugol ng mga tauhan ng Provincial Engineering Office (PEO) at Provincial Information Office (PIO), kasama ang Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) at kalaunan ay ang Civilian Security Unit (CSU), upang alisin ang mga harang at bara sa daang ginagamit ng mga residente ng Sitio Mangino, Barangay Macabaklay, Gapan City.

Alinsunod sa direktiba ni Governor Aurelio Umali na agarang tumugon sa panawagan ng mga magsasaka, nagtungo ang pangkat sa lugar upang alisin ang mga tambak ng lupa, malalaking bato at mga itinumbang punongkahoy na humadlang sa kanilang pagpunta sa kanilang mga tahanan at pagsasaka. Matapos ang ilang oras na trabaho, maaari na muling madaanan ang nasabing kalsada.

Ayon sa mga residente, noong Oktubre 10 ay nagulat sila nang makita ang humigit-kumulang anim na harang o barikada ng mga itinambak na bato at lupa, na ang ilan ay umaabot umano sa anim na metrong taas. Dahil dito, nahirapan silang marating ang kanilang mga sakahan mula sa kanilang mga tahanan. Dahil dito, nangabulok umano ang kanilang mga tanim na gulay na bukod-tangi nilang ikinabubuhay.

Ibinahagi rin ng mga magsasaka ang kanilang pangamba na bahagi ito ng umano’y pagtatangkang mapaalis sila sa kanilang mga lupang matagal na nilang sinasaka at tinitirhan. May ilan na umanong napilitang magbenta ng kanilang mga lupang tinatamnan sa halagang napakamura.

Anila, nagsimula pa noong 2024 ang mga ganitong insidenteng nagdudulot ng pangamba sa kanilang komunidad. Sa kasalukuyan, humaharap ang ilan sa kanila sa mga kaso ng pagtatangka umanong pagpatay na ibinintang sa kanila matapos nilang kumprontahin ang operator ng bulldozer na sumusuro sa kanilang mga pananim. Ang iba naman na nag-post ng pagrereklamo sa social media ay kinasuhan ng cyber libel.

Kasabay ng operasyon, nagsagawa ang PIO, katuwang ang mga mamamahayag mula sa DWNE at TV48, ng mga panayam at dokumentasyon upang maitala ang kalagayan at hinaing ng mga nasabing residente.

Para sa mga magsasaka, ang muling pagbubukas ng daan ay hindi lamang pag-aalis ng mga harang. Isa itong mahalagang hakbang upang maibalik ang kanilang access sa mga tahanan at sakahan, at maiparating sa pamahalaan ang kanilang panawagan para sa proteksiyon ng kanilang kabuhayan at karapatan. (Ulat at larawan mula sa Nueva Ecija Provincial Information Office)

Leave a Reply

Trending