OLONGAPO CITY–Magsasama-sama ang mga artista, lokal na negosyante, at mga mahilig sa sining at kulturang Pilipino sa SANDIWANGIS: Diwa ng mga Ninuno, isang pistang nagtatampok sa sinaunang mga kuwento, mitolohiya, at malikhaing pamana ng bansa sa Oktubre 28 hanggang 31, 2026.
Isasagawa ang apat na araw na pagdiriwang ng I-Pilipino, sa pakikipagtulungan sa Ayala Malls Harbor Point, sa Activity Center ng nasabing mall.
Layunin ng aktibidad na mabigyan ng pagkakataon ang mga artista at lokal na negosyante na maipakita ang kanilang mga likha, kabilang ang mga obrang hango sa kuwentong-bayan, mga produktong yari sa kamay, art prints, at iba pang malikhaing produkto.
Tampok din sa pagdiriwang ang mga workshop, pagkukuwentong pangkultura, at iba pang aktibidad na magbibigay-daan upang higit na makilala at mapahalagahan ang mitolohiya at pamana ng mga ninuno.
Inaanyayahan ang mga interesadong artista, negosyante, at tagapagtaguyod ng sining na lumahok sa festival sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang aplikasyon.
Oktubre 22, 2026 ang huling araw ng aplikasyon, habang limitado lamang ang mga slot para sa mga nais magtanghal ng kanilang mga likha o magtayo ng booth sa naturang aktibidad.
Inaasahang magsisilbing plataporma ang SANDIWANGIS 2026 upang maitaguyod ang lokal na pagkamalikhain, suportahan ang mga maliliit na negosyante, at buhayin ang interes ng publiko sa mayamang kuwentong-bayan at mitolohiyang Pilipino. (Ulat ni Mitch C. Santos)




Leave a Reply