OLONGAPO CITY—Pormal na nagtapos nitong Sabado, Oktubre 17 ng 7th Panaliwan Trade Fair sa SM City Olongapo Central, na naglalayong palawakin ang oportunidad sa merkado para sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), Agrarian Reform Beneficiary Organizations (ARBOs), at mga lokal na micro, small, and medium enterprises (MSMEs).

Idinaos sa ground floor ng SM City Olongapo Central mula Oktubre 14 hanggang 17, tampok sa trade fair ang iba’t ibang de-kalidad na produktong likha ng mga lokal na negosyante, na naglalayong palakasin ang kabuhayan ng mga benepisyaryo ng repormang agraryo at suportahan ang lokal na ekonomiya ng Zambales.

Mula sa salitang Sambal na nangangahulugang pamilihan o marketplace, nagsimula ang Panaliwan bilang isang simpleng ideya matapos ang pandemya upang mabigyan ang mga ARB ng pagkakataong maipakilala at maipagbili ang kanilang mga produkto sa mas malawak na merkado.

Ayon kay Neil John M. Fabay, nagsimula ang Panaliwan bilang isang “pop idea” na may layuning makapagtatag ng isang inklusibong trade fair kung saan maaaring maipakita ng mga benepisyaryo ang kanilang mga produkto, talento, at kakayahan sa larangan ng negosyo.

Sa paglipas ng mga taon, naging bahagi na rin ng Panaliwan ang iba’t ibang branding program na nagtatampok sa mga natatanging produkto ng Zambales, kabilang ang Tara Mag-Unwine para sa mga produktong alak, CARP Youth Entrepreneurs para sa mga kabataang negosyante, ZAMBAMBOOHAY para sa mga produktong kawayan, at Malahap para sa matatamis at masasarap na produktong gawa sa mangga.

Patuloy namang kinikilala ang suporta ng Department of Trade and Industry (DTI) Zambales, sa pangunguna ni Provincial Director Enrique D. Tacbad, sa pagbubukas ng mga oportunidad at pagpapalakas ng kakayahang pangnegosyo ng mga ARBO at ARB, na tinatawag ding CARPreneurs.

Bitbit ang temang “Adapting to Change: Advancing Resilient and Competitive Negosyo Agraryo,” itinampok ng ikapitong edisyon ng Panaliwan Trade Fair ang kahalagahan ng matatag na pagsasaka, inobasyon at teknolohiya, online platforms, pagpapaunlad ng produkto, at pagpapalawak ng mga pamilihan.

Larawan mula sa DTI Zambales

Leave a Reply

Trending