Kapag humihina ang piso laban sa dolyar, hindi lamang ito usapin ng palitan ng pera. Ramdam ito sa presyo ng pagkain at maging sa gastos ng mga magsasaka sa kanilang produksyon.

Noong Setyembre 22, umabot sa ₱62.725 kada US dollar ang palitan, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Para sa isang bansang malaki ang pagdepende sa imported na pagkain at agricultural inputs, may direktang epekto ang ganitong kalagayan.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), kabilang sa mga naaapektuhan ang fertilizer, feeds, pesticides, krudo at makinaryang ginagamit sa pagsasaka.

Hindi rin maliit ang ating agricultural trade deficit. Noong 2025, umabot sa US$20.37 bilyon ang agricultural imports, habang US$9.25 bilyon lamang ang exports.

Hulyo 2026, umabot naman sa US$1.90 bilyon ang agricultural imports, habang US$705.23 milyon ang exports.

Kasabay nito, nananatiling mataas ang presyo ng pagkain. Batay sa PSA, nasa 6.1% ang overall inflation noong Agosto, habang umakyat sa 19.4% ang rice inflation.

Ang tanong: hanggang kailan magiging sapat ang pag-angkat para punan ang pangangailangan sa pagkain kung mismong halaga ng piso ay patuloy na nagbibigay ng dagdag-gastos sa imports?

Para sa KMP, kailangang higit na palakasin ang lokal na produksyon, bigyan ng sapat na suporta at subsidyo ang mga magsasaka, at bawasan ang pagdepende sa imported na pagkain at farm inputs.

Sa huli, hindi lamang presyo ng dolyar ang dapat nating bantayan. Mas mahalagang tanungin kung gaano katatag ang sariling kakayahan ng bansa na magpakain sa sarili nitong mamamayan.

Dahil kapag mahal ang dolyar, hindi lang pera ang nasusukat ang halaga—pati ang halaga ng pagkain at kabuhayan ng magsasaka ay nakataya.

Leave a comment

Trending