OLONGAPO CITY — Inaasahang dadalo ang nasa 1,600 hanggang 2,000 kabataan mula sa Olongapo City, Zambales at mga kalapit na komunidad sa ONE MOVE YOUTH JAM 2026 na gaganapin sa Oktubre 30, 2026 sa Marikit Park, Olongapo City.

May temang “One Youth, One Purpose, One Movement,” layunin ng youth-focused gathering na pag-isahin ang mga kabataan sa isang pagtitipon na nakatuon sa layunin, pamumuno, pagkakaisa, ugnayan at pananampalataya.

Inimbitahan din ang 88.7 K-5 New Olongapo at Ang Pahayagan bilang mga media partner sa nasabing programa.

Ayon sa organizers, bukas ang programa sa mga sponsorship at X-deal partnership mula sa mga organisasyon at negosyo na nais suportahan ang aktibidad. Kabilang sa mga oportunidad para sa mga partner ang pagpapakilala ng kanilang mga brand sa mga kalahok ng event.

Sinabi ng organizers na layunin ng mga partnership na makapaglaan ng karagdagang oportunidad at makapaghatid ng makabuluhang programa para sa kabataan bilang bahagi ng pamumuhunan sa susunod na henerasyon.

Inihahanda na rin ang Partnership Kit para sa mga organisasyon at kumpanyang interesado sa mga sponsorship at partnership opportunity na maaaring iangkop sa kanilang mga layunin.

Inaasahang magsisilbing venue ang ONE MOVE YOUTH JAM 2026 para sa mga kabataan upang makakuha ng inspirasyon, makabuo ng mga bagong ugnayan at mahikayat na sama-samang kumilos tungo sa iisang layunin. (Ulat ni Mitch Santos para sa Ang Pahayagan)

Leave a comment

Trending