OLONGAPO CITY — Umabot sa 2,100 indibidwal mula sa iba’t ibang barangay sa Olongapo City ang nakatanggap ng relief assistance mula sa Office of the Vice President (OVP) na nasa ilalim ng pamumuno si VP Sara Duterte nitong Miyerkules, Setyembre 9 kasunod ng matinding pagbaha dulot ng Habagat.

Isinagawa ang pamamahagi ng relief packs sa Covered Court ng Rizal Triangle sa pangunguna ng lokal na pamahalaan ng Olongapo, kasama sina Mayor Rolen Paulino Jr. at kanyang ama na si Bases Conversion and Development Authority (BCDA) Director Rolen Paulino Sr.

Ayon kay Eymard D. Eje, chief ng Disaster Operations Center ng OVP, bahagi ang distribusyon ng patuloy na relief operations ng tanggapan para sa mga komunidad na naapektuhan ng kalamidad.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga pamilyang nangangailangan ng agarang tulong, gayundin ang mga mangingisdang hindi nakapalaot dahil sa masamang panahon.

Ipinamahagi sa mga benepisyaryo ang bigas, canned goods, hot meals, ready-to-eat meals at iba pang non-food relief items.

Bukod sa Olongapo City, sinabi ng OVP na nakapamahagi na rin ito at magpapatuloy sa paghahatid ng assistance sa iba’t ibang lugar sa National Capital Region, Cavite, La Union, Bataan, Benguet, Pangasinan, Pampanga at Zambales.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang OVP sa mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na organisasyon upang mapabilis ang paghahatid ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad. (Ulat ni MITCH C . SANTOS para sa Ang Pahayagan)

📸 Olongapo City Information Center

Leave a comment

Trending