BOTOLAN, Zambales — Nakiisa ang 69th Infantry (Cougar) Battalion ng 7th Infantry (Kaugnay) Division, Philippine Army sa airlift at pamamahagi ng relief goods sa mga residenteng apektado sa ilang isolated barangay sa Botolan, Zambales.

Sa pangunguna ni Lt. Col. Mark Anthony B. Ruelos, commanding officer ng 69th Infantry Battalion, isinagawa ang operasyon gamit ang dalawang S-70i Black Hawk utility helicopter ng Tactical Operations Group 3 (TOG 3) ng Philippine Air Force.

Inilipad mula Barangay San Juan, Botolan ang mga relief goods patungo sa walong barangay sa Eastern Botolan—Villar, Moraza, Belbel, Poon Bato, Maguisguis, Palis, Nacolcol, at Cabatuan.

Kabuuang 2,282 pamilya ang nakatakdang makatanggap ng food packs bilang bahagi ng relief operation. Isinagawa ang airlift upang mapabilis ang paghahatid ng pangunahing pangangailangan sa mga komunidad na mahirap maabot sa pamamagitan ng rutang panglupa.

Katuwang ng Philippine Army sa operasyon ang Philippine Air Force, mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan, at mga provincial at local government unit.

Patuloy naman ang koordinasyon ng 69th Infantry Battalion sa mga kinauukulang awtoridad para sa maayos at mabilis na paghahatid at pamamahagi ng relief goods sa mga apektadong komunidad.

Leave a comment

Trending