OLONGAPO CITY — Namahagi ng food packs ang “Lingkod Lapid, Lingkod Caravan” sa mga residenteng naapektuhan ng nagdaang bagyo at pagbaha sa ilang lugar sa Zambales, kabilang ang Olongapo City.

Isinagawa ang relief operation sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 3 kasunod ng kahilingan ni Sen. Lito Lapid na agad na mabigyan ng tulong ang mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.

Aabot sa 750 indibidwal sa Olongapo City ang nakatanggap ng food packs bilang bahagi ng relief assistance para sa mga komunidad na nasalanta.

Personal ding nag-ikot si Lapid sa ilang lugar sa Zambales, kabilang ang Botolan, San Marcelino at Olongapo City, upang pangunahan ang pamamahagi ng ayuda at kumustahin ang mga residenteng naapektuhan.

Sa Olongapo City, sinalubong si Lapid ni Mayor Rolen Lenj Paulino Jr., na tumulong din sa pamamahagi ng food packs. Katuwang din sa aktibidad si Rolen Paulino Sr.

Matapos ang mga relief operation sa Zambales, tumuloy ang caravan sa Lubao, Pampanga para ipagpatuloy ang pamamahagi ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.

Patuloy naman ang koordinasyon ng mga lokal na opisyal, DSWD at iba pang katuwang na grupo sa paghahatid ng ayuda sa mga komunidad na patuloy na bumabangon mula sa epekto ng bagyo at pagbaha. (Ulat ni Mitch C. Santos para sa Ang Pahayagan)

Leave a comment

Trending