SUBIC BAY FREEPORT — Naging makulay, masining at makasaysayan ang pagtatapos ng mahigit dalawang linggong programang “Salin Sining: Where Heritage Connect” ng I-Pilipino, na ginanap sa Ayala Malls Harbour Point, Subic Bay Freeport Zone.
Tampok sa huling araw ng programa ang iba’t ibang aktibidad na nagbigay-daan sa pagpapalitan at pagpapahalaga sa sining, kultura at malikhaing talento ng komunidad.
Kabilang dito ang Live Poetry and Book Reading ni Danny Gallardo, gayundin ang pakikibahagi sa poetry reading ng manunulat at mamamahayag na si Michael “Mitch” Santos, na nagbasa ng ilan sa kaniyang mga likhang tula bilang bahagi ng pagdiriwang ng panitikan at malikhaing pagpapahayag.


Isinagawa rin ang Dollmaking and Bookmark Making Workshop at Neurographic Art Workshop, na naglalayong hikayatin ang publiko, lalo na ang mga kabataan, na tuklasin at malinang ang kanilang pagkamalikhain sa pamamagitan ng sining.
Kasabay nito ang huling araw ng exhibit at Week 2 Merchants, kung saan tampok ang mga produkto at obra ng iba’t ibang lokal na creative at entrepreneur, kabilang sina Blum by Jeannie, Krystal’s Accessories, Prodjuice by Jericho Nambio, Crafted by Jae, Seventh Gloom by July Lagdameo, GxA by Justin Isidro, Irish Lazaro, BevyStory, Apad, Gems N Stones, Kensheann Handicrafts, at mga produktong likha ng Persons Deprived of Liberty (PDL) mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Samantala, ₱6,660 mula sa mga benta ng artwork at crafts na likha ng mga PDL sa mga nakaraang exhibit ang itinurn-over sa pamunuan ng BJMP.
Bilang pangwakas na bahagi ng programa, isinagawa ang Closing Ceremony, na sinamahan ng mga pagtatanghal nina Jesse Dagsil Badua, kalahok ng Tawag ng Tanghalan Season 2 at kasapi ng I-Pilipino, at ng Artist3 Art School & Academic Center Olongapo Band.
Sa pamamagitan ng “Salin Sining: Where Heritage Connect,” muling naipakita ang mahalagang papel ng sining bilang tulay ng komunidad, kultura at kasaysayan, at bilang tagpuan ng mga artista, manlilikha, manunulat at publiko. (Ulat at mga larawang kuha ni: Mitch C. Santos para sa Ang Pahayagan)




Leave a comment