OLONGAPO CITY — Nagsimula na ang libreng Annual Physical Examination (APE) para sa mga guro ng pampublikong paaralan sa lungsod, hatid-serbisyo ni Zambales 1st District Representative at Deputy Speaker Cong. Jay Khonghun bilang bahagi ng kanyang programang pangkalusugan para sa mga guro.

Ang libreng medical examination ay isinagawa bilang tugon sa kahilingan ng Schools Division Office (SDO) of Olongapo sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Dr. Imelda Macaspac.

Layunin ng programa na matiyak ang maayos na kalagayan ng kalusugan ng mga gurong araw araw na nagtuturo, gumagabay at humuhubog sa kinabukasan ng libu libong mag-aaral sa lungsod.

Binigyang diin ni Khonghun ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalusugan ng mga guro upang maagapan ang posibleng karamdaman at mapanatili ang kanilang kakayahang magampanan nang maayos ang kanilang tungkulin sa mga paaralan.

Para sa mambabatas, ang mga gurong nagsisilbing katuwang sa paghubog ng kinabukasan ng kabataan ay nararapat lamang na mabigyan din ng sapat na suporta at serbisyong pangkalusugan.

Patuloy naman ang paghahatid ng mga programang pangkalusugan at iba pang serbisyo ng mambabatas para sa mga guro at residente ng Olongapo City at iba pang bahagi ng unang distrito ng Zambales. (PR)

Leave a comment

Trending