SUBIC BAY FREEPORT ZONE — Nanawagan ang Save Subic Bay Coalition para sa isang independenteng imbestigasyon sa insidente ng soil erosion sa Tipo High-Tech Eco Park (THEP) noong Agosto 29, 2026, at sa mas malawak na pagsusuri sa mga development project at environmental practices sa loob at paligid ng Subic Bay Freeport.
Ang panawagan ay nakapaloob sa isang petisyon na inihain sa Office of the President, Senado at House of Representatives para sa hiwalay at komprehensibong pagsusuri sa insidente at sa mga proyekto sa lugar.
Ayon sa coalition, nag-ugat ang petisyon sa isang kumakalat na video na umano’y nagpapakita ng pagbagsak ng isang retaining structure o slope-protection system sa THEP, kung saan isang truck ang naabutan ng dumadausdos na lupa.
Sinabi ng mga petitioner na bagama’t naganap ang insidente matapos ang ilang linggong tuloy-tuloy na pag-ulan, kailangang matukoy sa pamamagitan ng independenteng imbestigasyon ang aktuwal na sanhi nito.
Bahagi ang THEP ng 200-hectare mixed-use industrial development sa kahabaan ng Tipo Expressway. Hiniling ng grupo na suriin ang engineering design, drainage system, environmental safeguards, mga permit at pagsunod sa mga aprubadong plano ng proyekto.

Nais din ng coalition na masuri ang iba pang malalaking development sa Freeport, partikular ang mga proyektong malapit sa waterways, slope, kagubatan, mangrove at iba pang environmentally sensitive areas.
Ayon kay Jen Velarmino-van der Heijde, tagapagsalita ng Save Subic Bay Coalition, layunin ng panawagan na matiyak ang transparency, accountability at kaligtasan ng publiko, at hindi ang pagtukoy o pagsisi sa isang partikular na developer.
Hiniling din ng grupo ang independent technical at hydrological assessments upang matukoy kung sapat pa ang mga drainage, detention at water-impounding system habang patuloy na lumalawak ang development at tumitindi ang mga pag-ulan.
Binigyang-diin ng coalition na ang mga dating kagubatan at vegetation ay nagsisilbing natural na sumisipsip at nagpapabagal sa daloy ng tubig-ulan, habang ang mga gusali, kalsada at iba pang impervious surfaces ay maaaring magpabilis at magpalaki ng runoff.
Mangrove protection

Isa rin sa pangunahing panawagan ng petisyon ang proteksyon sa natitirang mangrove areas sa Subic Bay Freeport.
Ayon sa grupo, tinatayang 61 hanggang 65 ektarya na lamang ng protected mangrove forest ang natitira sa Freeport batay sa available ecological assessments.
Nanawagan ang coalition na ipagbawal ang karagdagang pagpasok, clearing, reclamation o development sa mga umiiral na mangrove area, anuman ang proyekto o developer.
Ipinahayag din nito ang pagkabahala sa planong Subic-Clark Railway Project, na ayon sa petisyon ay may alignment na maaaring dumaan o makaapekto sa mahigit anim na ektarya ng mangrove areas.
Hiniling ng grupo na pag-aralan ang mga teknikal na alternatibo at, kung maaari, ilihis ang railway alignment upang maiwasan ang epekto sa natitirang mangrove.
Sinabi ni Velarmino-van der Heijde na mahalaga ang mga mangrove bilang natural coastal infrastructure na tumutulong sa pagprotekta sa mga komunidad laban sa erosion, pagbaha at storm surge, bukod sa pagsuporta sa fisheries, biodiversity at marine life.
Samantala, sinabi ni El Latinazo, organizer ng People Against Corruption Olongapo, na hindi tutol ang grupo sa investment, infrastructure at responsableng development.
Sa halip, nais nilang matiyak ang pagsunod sa mga regulasyon, maayos na pagpapatupad ng environmental at engineering studies, pagpapalakas ng permit at inspection systems, pakikinig sa mga komunidad at pagpapatibay ng government safeguards.
Hiniling ng petisyon sa Pangulo at dalawang kapulungan ng Kongreso na imbestigahan ang insidente sa Tipo, suriin ang development at environmental practices sa loob at paligid ng Freeport, tasahin ang cumulative impacts sa mga watershed, protektahan ang natitirang mangrove at papanagutin, alinsunod sa due process, ang sinumang pribado o government actor na mapatunayang responsable sa paglabag o pagkukulang sa oversight.
SBMA, suportado ang independenteng imbestigasyon
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na sinusuportahan nito ang panawagan para sa isang independenteng at komprehensibong imbestigasyon sa insidente ng soil erosion sa Tipo High-Tech Eco Park noong Agosto 29.


Sa opisyal na pahayag nitong Agosto 31 bilang tugon sa panawagan ng Save Subic Bay Coalition, sinabi ng SBMA na kinikilala nito ang mga agam-agam ng grupo kaugnay sa insidente.
Ayon kay Armina Belleza C. Llamas, manager ng Corporate Affairs Department ng SBMA, dapat isagawa ang mga proyekto sa Subic Bay Freeport Zone nang may pinakamataas na pagsasaalang-alang sa kaligtasan ng publiko, pangangalaga sa kalikasan at sustainable development.
Binigyang-diin ng ahensya ang mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon, masusing engineering at environmental assessments, regular na inspeksyon at transparent na proseso sa pagkuha ng mga permit para sa lahat ng proyekto.
Sinabi ng SBMA na layunin ng imbestigasyon na matukoy ang aktuwal na mga pangyayari sa insidente at ang mga hakbang na kinakailangan upang maiwasan ang pag-ulit nito.
Inihayag din ng ahensya na rerepasuhin nito ang mga umiiral na polisiya at gawain kasama ang mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan at iba pang stakeholder upang mapalakas ang safeguards, monitoring at patas at epektibong pagpapatupad ng mga pamantayan.
Ayon kay Llamas, mahalaga ang mga hakbang na ito lalo na sa harap ng matitinding kondisyon ng panahon na nararanasan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Iginiit ng SBMA na ang Subic Bay ay hindi lamang sentro ng pamumuhunan kundi tahanan din ng mga komunidad at mahahalagang likas na ekosistema.
Sinabi ng ahensya na patuloy nitong pangangalagaan ang mga kagubatan, daluyan ng tubig, bakawan at mga baybaying lugar habang isinusulong ang ligtas, responsable, transparent at sustainable na pag-unlad sa Subic Bay Freeport. (Ang Pahayagan Reportorial Team)




Leave a comment