SAN MARCELINO, Zambales — Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Setyembre 2 ang Barangay Sta. Fe dito upang kumustahin ang mga residenteng matinding naapektuhan ng pagbaha dulot ng habagat at Bagyong Maymay noong Agosto.

Kasama ang Zambales sa tatlong lalawigan sa Central Luzon na nakatakdang bisitahin ng Pangulo upang personal na makita ang kalagayan ng mga komunidad at matukoy ang kanilang mga pangangailangan matapos ang mga kalamidad.

Matinding pagbaha ang naranasan sa Sta. Fe matapos umapaw ang ilog na may dalang lahar, na nagdulot ng pinsala sa mga kabahayan at imprastraktura sa lugar.

Noong Agosto 9, nasira ang tanging tulay sa barangay na nag-uugnay rito sa kabayanan dahil sa malakas na agos ng tubig, habang napinsala rin ang dike na nagsisilbing panangga sa mga komunidad.

Dahil hindi pa naaayos ang tulay, nagtulungan ang mga residente sa paggawa ng pansamantalang tulay na kahoy upang mapadali ang pagtawid sa lugar.

Kasabay ng pagbisita ng Pangulo, namahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng food packs at ₱10,000 cash assistance sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Tinatayang mahigit 1,000 pamilya ang nakatanggap ng ayuda mula sa ahensya.

Bahagi ang pagbisita ni Marcos ng kanyang inspeksyon sa mga komunidad sa Central Luzon na matinding naapektuhan ng mga nagdaang pagbaha. (Ulat ni Mitch Santos at larawan ni Jun Dumaguing para sa Ang Pahayagan)

Leave a comment

Trending