QUEZON CITY — Isang solidarity mural na nananawagan para sa pagtatapos ng panghuhuli at pagpatay ng mga dolphin at mas mahigpit na proteksyon sa mga marine mammal ang iginuhit sa University of the Philippines Diliman nitong Setyembre 1, kasabay ng pagsisimula ng taunang dolphin hunting season sa Taiji, Japan.

Isinagawa ang “Art Attack: Dolphin Mural Action” sa PAUW UP Child Study Center sa pangunguna ng Earth Island Institute Asia Pacific (EII-AP) at mga katuwang nitong organisasyon bilang bahagi ng paggunita sa Japan Dolphin Day.

Nakilahok sa paggawa ng mural ang environmental artists na sina AG Saño, Voltaire Guray, Yesha Castillo at Dakila Cutab, kasama ang mga volunteer at animal welfare advocates.

Layunin ng aktibidad na gamitin ang pampublikong sining upang itampok ang panawagan para sa pangangalaga sa mga dolphin at iba pang marine mammal.

Ayon sa mga environmental group, isinasagawa taun-taon mula Setyembre hanggang Marso ang Taiji dolphin drive hunts sa Japan.

Batay sa independent monitoring sa 2025–2026 Taiji hunting season, 84 dolphin ang buhay na nahuli para sa industriya ng captive display, habang 416 naman ang pinatay para sa karne.

Binigyang-diin ng mga advocate na konektado sa pangangailangan ng marine parks at dolphinariums ang paghuli ng mga dolphin mula sa kanilang natural na tirahan.

Sinabi ni Trixie Concepcion, regional director ng EII-AP, na maaaring hindi batid ng ilang nanonood ng dolphin shows na ang ilan sa mga hayop na ginagamit sa pagtatanghal ay nagmula sa ligaw.

Hinimok niya ang publiko na suportahan ang ethical wildlife tourism at iwasan ang dolphin shows at iba pang atraksyong kumikita mula sa pagkabihag ng mga ligaw na hayop.

Samantala, sinabi ni environmental artist AG Saño na higit pa sa isang likhang-sining ang mural dahil nagsisilbi itong pampublikong pahayag ng pakikiisa para sa marine wildlife.

Ayon naman kay Atty. Anna Cabrera, executive director ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS), dapat igalang ang natural na pamumuhay ng mga dolphin at hindi sila gawing tagapagtanghal para sa libangan ng tao.

Iginiit din ni Jana Sevilla, campaigner ng PETA Asia, na makatutulong ang pagtanggi ng publiko na suportahan ang dolphin shows upang mabawasan ang demand na nagtutulak sa paghuli at pagkulong sa mga dolphin.

Naging posible ang mural sa suporta ng iba’t ibang organisasyon, community groups, negosyo at volunteers, kabilang ang PAWS, PETA Asia, PAMALAKAYA-Pilipinas, Tails, Trees & Seas.Org, Maginhawa Eco-Store, BNI GEAR, Rotary Club of QC Big Bike Riders, NCR Philippines, Maginhawa Food Community at Kodao Productions. (PR)

Leave a comment

Trending