OLONGAPO CITY — Tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operations na isinagawa ng mga awtoridad sa Olongapo City noong Hulyo 26.
Sa unang operasyon na isinagawa bandang 11:15 ng gabi sa Anonas Street, West Bajac-Bajac, naaresto ang isang high-value individual na kinilala lamang sa alyas na “Topac.” Pinangunahan ang operasyon ng PNP Drug Enforcement Group–Special Operations Unit 3 (PNP-DEG SOU3) katuwang ang Olongapo Police Station 1, City Drug Enforcement Unit (CDEU), IMEG Region 3, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang 600 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na humigit-kumulang ₱4.08 milyon, kasama ang buy-bust money, isang cellphone, at iba pang ebidensiya.
Samantala, sa ikalawang operasyon na isinagawa bandang 5:10 ng hapon sa Barangay New Asinan, naaresto ang dalawang drug personalities na kinilala sa mga alyas na “Erica” at “Nold.” Isinagawa ang operasyon ng Olongapo City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU).
Nasamsam sa dalawa ang humigit-kumulang 26 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱176,800, gayundin ang buy-bust money at iba pang kaugnay na ebidensiya.
Dinala ang mga naarestong suspek sa kustodiya ng pulisya habang isinasailalim sa kaukulang proseso. Ang mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga ay isasailalim sa laboratory examination, habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek. (Ulat ni MITCH C. SANTOS para sa Ang Pahayagan)




Leave a comment