QUEZON CITY – Isinagawa ng iba’t ibang sektor mula sa Gitnang Luzon ang kanilang SONA ng Mamamayan sa harap ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City ngayong Lunes upang ilahad ang mga isyung kinahaharap ng kanilang mga komunidad at ihayag ang kanilang mga panawagan sa pamahalaan.
Ito umano sa kabila ng mga paghihigpit at pagharang ng kapulisan na naranasan ng ilang deligasyon mula sa iba’t ibang lalawigan bago makarating sa lugar ng pagtitipon.
Kabilang sa mga isyung inilatag sa programa ang kinakaharap na demolisyon ng ilang katutubong Aeta sa Capas, Tarlac na iniuugnay sa isang proyekto ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), gayundin ang pagtutol ng mga magsasaka sa Nueva Ecija sa MTerra Solar project na anila’y maaaring makaapekto sa kanilang mga sakahan at kabuhayan.
Nagpahayag din ng kani-kanilang saloobin ang mga kinatawan ng kabataan, mga guro, at iba pang organisasyon, na nanawagan para sa reporma sa lupa, sapat na serbisyong panlipunan, paggalang sa karapatang pantao, at pananagutan ng pamahalaan sa mga isyung kinahaharap ng mamamayan.
Kasabay ng pagdaraos ng People’s SONA, iginiit ng mga lumahok ang kanilang panawagan habang nakatakdang ihatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang State of the Nation Address sa Kongreso. (Ulat ni Mitch Santos para sa Ang Pahayagan)




Leave a comment