BATAAN — Nagsagawa ng magkakasabay na simbolikong pagkilos ang mga mangingisda sa mga bayan ng Mariveles, Limay, at Orion bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang ipahayag ang kalagayan ng sektor ng pangisdaan at ang kanilang mga pangunahing panawagan sa pamahalaan.

Sa isinagawang “SONA ng Mamamayan,” inilatag ng mga mangingisda ang kanilang mga hinaing kaugnay ng patuloy na paghina ng kanilang kabuhayan at ng mga bantang kinakaharap ng kanilang hanapbuhay.

Ayon sa kanila, kabilang sa mga pangunahing suliranin ang patuloy na pagkasira ng Manila Bay, mga banta sa municipal waters, pagkawala ng kabuhayan ng maliliit na mangingisda, at patuloy na pagkasira ng yamang-dagat.

Nanawagan ang mga mangingisda sa pamahalaan na agad tugunan ang mga isyung ito upang mapangalagaan ang karagatan at matiyak ang kabuhayan at seguridad sa pagkain ng mga komunidad na umaasa sa pangingisda.

Ang sabayang pagkilos ay isinagawa ilang oras bago ang ikalimang SONA ni Pangulong Marcos, kung saan inaasahang ilalatag nito ang mga programa at prayoridad ng administrasyon para sa nalalabing bahagi ng kanyang termino.

Larawan mula sa Pangisda Bataan

Leave a comment

Trending