SUBIC BAY FREEPORT– Naulit umanong namataan ang misteryosong likido malapit sa isang beach resort kung saan natunton na ng mga otoridad ang posibleng pinagmumulan nito sa container yard nitong Biyernes, Hulyo 24, sa Subic Bay Freeport.

Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG)-Subic Zambales, Sabado (Hulyo 25), nabatid na tinukoy nito ang pollutant bilang leachate at natunton din ang pinaghihinalaang pinagmulan nito sa isang drainage system na konektado sa isang kalapit na container yard.

Ang mga natuklasan ng PCG ay lumabas matapos muling lumitaw ang mabahong lumulutang na likido malapit sa All Hands Beach Resort noong Biyernes, na nag-udyok sa mga tauhan mula sa Marine Environmental Protection Unit (MEPU) ng Coast Guard sa Zambales at Coast Guard Sub-Station Olongapo na magsagawa ng ocular inspection at shoreline survey.

Sinabi ng PCG na ang leachate ay nagmumula umano sa mga refrigerated container na nasa ilalim ng pangangalaga ng Bureau of Customs (BOC), subalit nananatiling sumasailalim pa sa karagdagang beripikasyon sa tunay na may hurisdiksyon sa nasabing mga container van.

Tinataya ng Coast Guard na humigit-kumulang 350 metro kuwadrado ng baybayin ang naapektuhan sa nasabing leachate kabilang na ang All Hands Beach Resort na unang nagreklamo hinggil rito.

Nabatid din na naglagay na ng spill containment material sa pinagmumulan ng umano’y leachate para mapigilan ang pagkalat pa nito. (Ang Pahayagan Reportorial Team)

📸 PCG

Leave a comment

Trending