MANILA–Nagsagawa ng wildlife retrieval operation ang DENR Metropolitan Environmental Office (MEO)–South, matapos maulat ang pagkakatagpo ng isang Philippine Palm Civet (Paradoxurus philippinensis), o mas kilala bilang musang, sa Barangay BF Homes, Parañaque City.
Ang operasyon ay ginawa matapos humihingi ng tulong si James Matti Nagnos, kaugnay ng aniya wildlife na nakita sa lugar. Agad na rumesponde ang Compliance Monitoring and Enforcement Unit (CMEU) upang ligtas na marescue ang hayop at maiwasan ang anumang panganib dito at sa komunidad.
Sa isinagawang paunang pagsusuri, napansin na ang kaliwang mata ng musang ay namamaga at namumula, habang ang kanang mata nito ay may pinsala at hindi maimulat, mga indikasyong nangangailangan ito ng agarang beterinaryong atensyon.
Habang isinasagawa ang retrieval, may isang indibidwal na nagpakilalang may-ari ng naturang hayop. Gayunman, hindi siya nakapagpakita ng Certificate of Wildlife Registration (CWR) o iba pang kaukulang dokumentong nagpapatunay ng legal na pagmamay-ari ng wildlife alinsunod sa umiiral na batas.
Bilang pagsunod sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001, maayos na itinurn-over ng MEO–South ang musang sa Biodiversity Management Bureau–National Wildlife Research and Rescue Center (BMB-NWRRC) para sa veterinary assessment, gamutan, at rehabilitasyon.
Ang Philippine Palm Civet ay isang katutubong mammal sa Pilipinas na karaniwang aktibo sa gabi at may mahalagang papel sa ekosistema bilang seed disperser, na tumutulong sa natural na regenerasyon ng mga kagubatan. Bagama’t nakalista ito bilang “Least Concern” sa International Union for Conservation of Nature (IUCN) Red List, nananatili itong nanganganib dahil sa pagkawala ng tirahan at ilegal na panghuhuli at pag-aalaga bilang alagang hayop.
Muling pinaalalahanan ng DENR-NCR ang publiko na ipinagbabawal ang pagkuha, pag-aalaga, pagdadala, pagbebenta, at pagmamay-ari ng mga wildlife species nang walang kaukulang permit mula sa DENR. Hinihikayat din ang lahat na agad iulat sa pinakamalapit na tanggapan ng DENR o sa mga kinauukulang awtoridad ang anumang insidente ng pagkakita ng sugatan, ligaw, o ilegal na inaalagaang wildlife upang matiyak ang kanilang kaligtasan at wastong pangangalaga.
Larawan mula sa DENR NCR




Leave a comment