SUBIC, Zambales– Hindi dapat isisi ang naging aksyon o hakbang ng Pamahalaang Bayan ng Subic, pribadong may ari ng lupa at sa Ayta Ambala Council ang kontrobersiya sa dating pansamantalang tapunan ng basura sa Sitio Tibag, Barangay Naugsol, Subic Zambales
Ito ang nakasaad sa imbestigasyon at assessment report ng National Institute for Transparency and Accountability (NITA), na nagsabing ginamit lamang ang lugar bilang pansamantalang tapunan noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic na kung saan ay limitado ang mga pagbibiyahe dahil sa nakahahawang virus.
Sinabi ni NITA Executive Director at spokesperson Carlos Ayala na naharap noon ang lokal na pamahalaan sa matinding suliranin sa paghahanap ng pasilidad na maaaring pagdalhan ng mga nakokolektang solid waste mula sa mga residential at commercial establishments ng Subic.
Ginawa ang pansamantalang hakbang upang maiwasang maipon ang basura sa mga residential at commercial area na maaaring humantong sa mas malalang problema sa kalinisan at kalusugan ng publiko, saad pa sa ulat.
Ayon kay Ayala, ang lokal na pamahalaan ng Subic ay kinailangan lamang umaksyon dahil tungkulin nitong tugunan ang isang agarang problema sa serbisyong pampubliko sa gitna ng pandemya.
Hindi naman umano basta lang inangkin o sapilitang ginamit ng pamahalaang bayan ang lupain sa halip ay humingi umano ito ng pahintulot sa mga indibidwal at grupong may kaugnayan sa naturang lupain.
Pumayag umano ang pribadong may ari ng lupa na si Jose Tenoria na pansamantalang gamitin ang isang bahagi ng kanyang lupa. Kinumpirma rin umano ng Ayta Ambala Council, sa pamumuno ni Tribal Chieftain Francis Santos na pumayag ang kanilang tribal council bilang paraan ng pagsuporta sa lokal na pamahalaang regular na nagbibigay ng tulong at serbisyo sa kanilang komunidad.
Gayunpaman iginiit pa ng NITA na anumang usapin o desisyon hinggil sa ancestral domain pagsunod sa mga batas at prosesong may kaugnayan sa mga katutubo ay dapat manggaling sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.
Taong 2022 nang itigil ng LGU Subic ang pagtatapon ng basura sa Sitio Tibag matapos magkaroon na sila ng access sa ibang waste disposal facility sa Pampanga.
Patunay umano na pansamantalang emergency dumpsite lamang ang lugar at hindi isang permanenteng municipal dumpsite dahil itinigil na ang pagtatapon ng mga basura mula sa buong bayan ng Subic.
Sa isinagawang inspeksiyon, sinabi ng NITA team na wala anila itong naamoy na matinding baho na karaniwang nagmumula sa isang aktibo at bukas na dumpsite.
Kapansin pansin din umano na ang mga natitirang basura sa lugar ay kalat kalat na solid waste at hindi isang malaking bunton ng mga bagong itinapon na basura.
Posible anila na ikinalat ng mga nagdaang bagyo o mga pag ulan ang ilang basura sa mas malawak na bahagi ng lupain. Dahilan ito upang magmukhang mas malawak ang apektadong lugar kapag tinitingnan sa mga litrato o mula sa malayong distansiya.
Wala umanong iniulat ang mga nakapanayam na residente na may naging problemang pangkalusugan na direkta nilang iniuugnay sa dating dumpsite na nasa humigit kumulang na 3 kilometro sa kanilang mga tirahan.
Inirekomenda din ng NITA ang pagsasagawa ng inventory at classification ng mga natitirang basura, pagsusuri sa lupa at tubig, paghahanda ng pormal na closure at rehabilitation plan, pagpigil sa pagkalat ng basura tuwing may bagyo, pagpapanumbalik ng mga halaman at regular na paglalabas ng monitoring reports hanggang matapos ang rehabilitasyon.
Ang pagtatabon ng lupa sa dating dumpsite ay dapat lamang gawin bilang bahagi ng isang technically approved plan at matapos suriin ng mga otoridad ang uri, katatagan at posibleng epekto sa kapaligiran bilang bahagi ng corrective action.
Sa kabila nito, binigyang diin ng NITA na ang kanilang findings ay nakabatay lamang sa visual inspection, mga panayam at konsultasyon.
Hindi umano nito maaaring palitan ang siyentipikong pagsusuri sa lupa, groundwater, surface water at kalidad ng hangin.
Nilinaw din ng NITA na ang report ay isang institutional assessment batay sa impormasyong nakalap noong inspeksiyon at hindi kapalit ng environmental investigation, regulatory proceeding o desisyon ng korte.
Ang NITA ay isang organisasyong tagapagbantay sa Pilipinas na nag-iimbestiga sa mga isyu sa pamamahala, nagmomonitor sa pananagutan ng publiko, at nag-iinspeksyon sa mga pinagtatalunang pampublikong lugar. (Ang Pahayagan Reportorial Team)




Leave a comment