SUBIC, Zambales — Nanawagan ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Regional Office III para sa agaran at inklusibong rehabilitasyon ng dumpsite na matatagpuan sa loob ng lupang ninuno ng Ayta Ambala Indigenous Cultural Communities/Indigenous Peoples (ICCs/IPs) sa Sitio Tibag, Barangay Naugsol, Subic, Zambales, matapos makumpleto ang opisyal na imbestigasyon ng naturang ahensiya.
Nakapaloob ang rekomendasyon sa Memorandum No. R3-2026-07-289A na may petsang Hulyo 20, 2026, na nilagdaan ni NCIP Regional Director Atty. Joyce S. Lapuz at isinumite sa NCIP Secretary/Chairperson.
Ayon kay Lapuz, isinagawa ang imbestigasyon upang alamin ang mga pangyayari kaugnay ng operasyon ng dumpsite, matukoy kung naapektuhan ang mga karapatan at kapakanan ng Ayta Ambala sa ilalim ng Indigenous Peoples’ Rights Act o Republic Act No. 8371, at makapagbigay ng kaukulang rekomendasyon alinsunod sa mandato ng Komisyon.
Kinumpirma ng NCIP sa isinagawang field validation na ang dumpsite ay nasa loob ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) No. R03-SUB-0116-199, na sumasaklaw sa 1,308.81 ektarya sa Barangay Naugsol. Tinatayang 87 pamilyang Ayta Ambala, o humigit-kumulang 435 indibidwal, ang naninirahan sa nasabing lupang ninuno.
Batay sa ulat, pumayag ang komunidad sa pagtatayo at operasyon ng dumpsite dahilan sa hiling ng Local Government Unit (LGU) ng Subic. Gayunman, sinabi ng NCIP na wala itong natagpuang opisyal na rekord na nagpapakitang pormal na nakipag-ugnayan ang LGU sa Komisyon o nasubaybayan ng NCIP ang proseso ng sinasabing pagkuha ng pahintulot.
Sa isinagawang konsultasyon ng NCIP noong Hulyo 17, 2026, ipinaliwanag ng mga miyembro ng Tribal Council na ang kanilang pagsang-ayon ay pansamantala lamang bilang tugon sa sitwasyon noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Anila, may kasunduan na aalisin ang dumpsite at isasailalim sa rehabilitasyon ang lugar kapag natapos na ang public health emergency.
Natuklasan din ng imbestigasyon ang magkakasalungat na pahayag hinggil sa alegasyong tumanggap ang komunidad ng ₱10,000 kapalit ng pagpayag sa operasyon ng dumpsite. Dahil sa hindi magkakatugmang testimonya ng ilang miyembro ng komunidad, sinabi ng NCIP na walang sapat na ebidensiya upang patunayang ibinigay ang naturang halaga bilang kabayaran sa kanilang pahintulot.
Wala ring nakitang ebidensiya ang Komisyon na may mga pamilyang Ayta Ambala na sapilitang napaalis dahil sa dumpsite. Hindi rin nito nakumpirma ang mga alegasyon ng kontaminasyon sa mga ilog at iba pang pinagkukunan ng tubig sa lugar dahil wala umanong isinagawang teknikal na environmental assessment o water quality testing.
Kaugnay ng mga ulat tungkol sa mabahong amoy mula sa dumpsite, sinabi ng NCIP na nakaranas ng hindi kanais-nais na amoy ang mga tauhan ng San Marcelino Service Center sa kanilang pagbisita noong Hunyo 2026. Gayunman, sa validation noong Hulyo 17, wala silang naobserbahang matinding amoy o hindi pangkaraniwang pagdami ng mga insekto. Posible umanong nakaapekto rito ang kondisyon ng panahon at kung ginagamit pa ang dumpsite sa oras ng inspeksiyon.

Batay sa mga natuklasan, inirekomenda ni Lapuz na isagawa ang rehabilitasyon ng dumpsite sa pamamagitan ng isang inklusibong proseso na lalahukan ng komunidad ng Ayta Ambala at ng NCIP upang matiyak ang transparency at mapangalagaan ang mga karapatan at kapakanan ng mga katutubo sa buong yugto ng pagpaplano, pagpapatupad at pagmamanman ng rehabilitasyon.
Binigyang-diin din niya na ang anumang proyekto, programa o aktibidad ng mga lokal na pamahalaan sa loob ng mga lupang ninuno, o yaong maaaring makaapekto sa mga karapatan at kapakanan ng mga ICCs/IPs, ay dapat na may wastong koordinasyon sa NCIP at may kaukulang permit, sertipikasyon, clearance at iba pang legal na rekisito.
Iginiit din ng memorandum ang kahalagahan ng pagsunod sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000 o Republic Act No. 9003 at iba pang umiiral na batas pangkalikasan, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pang kaugnay na ahensiya ng pamahalaan.
Bagama’t kinilala ang mga pambihirang hamon na dulot ng COVID-19 pandemic, sinabi ni Lapuz na hindi dapat maging dahilan ang mga sitwasyong pang-emergency upang maisantabi ang mga karapatan, interes, kaligtasan at kapakanan ng mga katutubo.
Sa pagtatapos ng ulat, hinimok ng NCIP ang LGU ng Subic na agad isagawa ang rehabilitasyon ng dumpsite alinsunod sa mga pamantayang pangkalikasan at sa mga naging pangako nito sa komunidad ng Ayta Ambala, habang tinitiyak na ang lahat ng susunod na hakbang na may kinalaman sa mga lupang ninuno ay sumusunod sa Indigenous Peoples’ Rights Act at iba pang umiiral na batas. (Ulat at larawan ni Jun Dumaguing para sa Ang Pahayagan)





Leave a comment