SUBIC BAY FREEPORT— Nakibahagi ang pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Olongapo city Mayor Atty. Rolen C. Paulino Jr. sa pagdiriwang ng ika-48 National Disability Rights Week nitong Martes, Hulyo 21, sa Ayala Malls, Harbor Point dito.

Ang aktibidad na pinangunahan ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ay naglalayong palakasin ang kamalayan, kapakanan, at inklusibong partisipasyon ng mga Persons with Disabilities (PWDs) sa lipunan.

Ang pagdiriwang ay alinsunod sa Proclamation No. 597, s. 1974 na ang tema ngayong taon na “Rights First, Legislation Forward – Strategic Action for Equal Participation and Inclusive Development.”

“Ang ating mga kababayang may kapansanan ay hindi lamang nangangailangan ng pagkalinga, kundi ng tunay na pagkilala sa kanilang kakayahan. Sa Olongapo, patuloy nating isusulong ang isang lungsod na walang naiiwan—kung saan ang bawat isa ay may pantay na dignidad, proteksyon, at pagkakataong umunlad,” pahayag ni Mayor Paulino Jr. sa naturang programa.

Kasabay ng pagdiriwang ay idinulog naman sa tanggapan nina Mayor Paulino at Vice Mayor Kaye Ann S. Legaspi ang isang opisyal na kahilingan mula sa Olongapo Federation of Persons with Disabilities na humihiling ng agarang pagbuo at pagpapatibay sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Olongapo City PWD Code na naaprubahan noong terminong 2022–2025.

Sinabi ni OFPWD Executive Director Jessie Sibug Gonzales na mahalagang agad na repasuhin ang IRR ng Olongapo PWD Code upang maisama at maaprubahan ang panukalang buwanang Local Pension Program para sa mga PWD bago pagtibayin ang 2027 Annual Budget ng lungsod.

Ayon kay Gonzales, ang pagrepaso sa IRR ay makatutulong upang maging mas malinaw at mas epektibo ang pagpapatupad ng mga programa at serbisyong inilaan para sa mga PWD, gayundin upang matiyak na mabibigyan sila ng karagdagang suporta sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Pangunahing layunin ng petisyon na maisama sa deliberasyon ng Fiscal Year 2027 Annual Budget ang pondo para sa Local Pension Program na laan para sa mga indigent na may kapansanan sa lungsod upang mabigyan sila ng direktang tulong pinansyal. Kaugnay nito, binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at ng mga samahan ng PWD sa lungsod.

“Ang layunin talaga natin kung bakit natin isinusulong ang pagrerepaso sa IRR ng PWDs ay para magkaroon ng local pension ang mga PWDs partikular ang mga indigent na miyembro nito,” saad ni Gonzales “Kung ating sisilipin dito sa Lungsod ng Olongapo ay may local pension na ang mga Senior Citizen, gayundin ang mga single parent’s, pero wala pang local pension para sa mga kapatid nating PWDs”.

Dagdag pa ni Gonzales na kasalukuyan ay hinihintay pa ang magiging aksyon ng Sangguniang Panlungsod at iba pang kaugnay na tanggapan hinggil sa nasabing panukala. (Ulat para Mitch Santos para sa Ang Pahayagan)

Larawan mula sa Olongapo City Information Center

Leave a comment

Trending